Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.
8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[a]
9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
11 Hindi na miminsang aking napakinggan
na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12 at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.
Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh
7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat,
at naniwala naman ako.
Higit kang malakas kaysa akin
kaya ikaw ay nagwagi.
Pinagkatuwaan ako ng lahat;
at maghapon nila akong pinagtatawanan.
8 Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!”
Pinagtatawanan nila ako't hinahamak,
sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita.
9 Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh
at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,”
para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita,
apoy na nakakulong sa aking mga buto.
Sinikap kong tiisin ito,
ngunit hindi ko na kayang pigilin pa.
10 Naririnig kong maraming nagbubulungan.
Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.”
Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!”
Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan.
Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.”
11 Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko,
tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma;
mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin,
mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman.
Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon.
12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip.
Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko,
ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
13 Awitan ninyo si Yahweh,
siya'y inyong papurihan,
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
Ang Pangakong Pagdating ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. 2 Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una(A) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. 4 Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” 5 Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. 6 Sa(B) pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. 7 Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.