Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Panalangin ni David.
86 Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,
tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;
ako'y mahina na't wala nang tumingin.
2 Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan,
lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman.
3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,
sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
4 Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak,
pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag.
5 Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,
tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin.
7 Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag,
iyong tinutugon ang aking pagtawag.
8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,
sa iyong gawai'y walang makaparis.
9 Ang(A) lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo't magbibigay galang;
sila'y magpupuri sa iyong pangalan.
10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,
at tapat ang puso ko na ito'y susundin;
turuang maglingkod nang buong taimtim.
12 O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman
at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;
di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay.
14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,
taong mararahas, na ang adhikain
ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
15 Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait,
wagas ang pag-ibig, di madaling magalit,
lubhang mahabagi't banayad magalit.
16 Pansinin mo ako, iyong kahabagan,
iligtas mo ako't bigyang kalakasan,
pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay.
17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;
upang mapahiya ang aking kaaway,
kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan!
27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”
10 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: 2 Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. 3 Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. 4 Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. 5 Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. 6 Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu[a] ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. 7 Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. 8 Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”
Ang Pakikisama sa mga Di-sumasampalataya
14 Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? 15 Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo[a]? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? 16 O(A) di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo[b] ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi,
“Mananahan ako
at mamumuhay sa piling nila.
Ako ang magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
17 Kaya't(B) lumayo kayo sa kanila,
humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon.
“Iwasan ninyo ang anumang marumi,
at tatanggapin ko kayo.
18 Ako(C) ang magiging ama ninyo,
at kayo'y magiging mga anak ko,”
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.
7 Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.