Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 20

Panalangin upang magtagumpay sa kaaway. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kabagabagan;
(A)Itaas ka sa mataas ng pangalan ng Dios ni Jacob;
Saklolohan ka mula sa (B)santuario,
At palakasin ka mula sa (C)Sion;
Alalahanin nawa ang lahat ng iyong mga handog,
At tanggapin niya ang iyong mga haing sinunog; (Selah)
(D)Pagkalooban ka nawa ng nais ng iyong puso,
At tuparin ang lahat ng iyong payo.
Kami ay (E)magtatagumpay sa iyong pagliligtas,
At (F)sa pangalan ng aming Dios ay aming itataas ang aming mga watawat:
Ganapin nawa ng Panginoon ang lahat ng iyong mga hingi.
Talastas ko ngayon na inililigtas ng Panginoon ang (G)kaniyang pinahiran ng langis;
Sasagutin niya siya mula sa kaniyang banal na langit
Ng pangligtas na kalakasan ng kaniyang kanang kamay.
(H)Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo:
(I)Nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.
Sila'y nangakasubsob at buwal:
Nguni't kami ay nakatindig at nakatayo na matuwid.
Magligtas ka, Panginoon:
Sagutin nawa kami ng Hari pagka kami ay nagsisitawag.

Exodo 25:1-22

25 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa akin ng isang handog: (A)ang bawa't tao na maganyak ang puso sa kagandahang loob ay kukunan ninyo ng handog sa akin.

At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila; ginto, at pilak, at tanso;

At kayong bughaw, kulay-ube, at pula, at lino at balahibo ng kambing;

At mga balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at mga balat ng poka, at kahoy na akasia;

(B)Langis sa ilawan, (C)mga espesia sa langis na pangpahid, at (D)sa mabangong pangsuob;

Mga batong onix, at mga batong pangkalupkop (E)sa efod, at sa pektoral.

At kanilang igawa ako ng (F)isang santuario; upang ako'y (G)makatahan sa gitna nila.

(H)Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyo ng tabernakulo at sa anyo ng lahat ng kasangkapan niyaon ay gayon ninyo gagawin.

Ang bilin tungkol sa kaban.

10 (I)At sila'y gagawa ng isang kaban na kahoy na akasia: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon, at may isang siko't kalahati ang taas niyaon.

11 At iyong babalutin ng taganas na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo sa ibabaw ng isang kornisa sa palibot.

12 At ipagbububo mo ng apat na argolyang ginto, at ipaglalagay mo sa apat na paa niyaon, at dalawang argolya ang mapapasa isang tagiliran niyaon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyaon.

13 At gagawa ka ng mga pingga na kahoy na akasia at iyong babalutin ng ginto.

14 At iyong isusuot ang mga pingga sa loob ng mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.

15 (J)Ang mga pingga ay masusuot sa loob ng mga argolya ng kaban: hindi aalisin doon.

16 At iyong isisilid sa kaban ang mga kinalalagdaan ng (K)patotoo na aking ibibigay sa iyo.

17 (L)At gagawa ka ng isang luklukan ng awa, na taganas na ginto: na may dalawang siko't kalahati ang haba niyaon, at may isang siko't kalahati ang luwang niyaon.

18 At gagawa ka ng dalawang querubing ginto; (M)na yari sa pamukpok iyong gagawin, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.

19 At gawin mo ang isang querubin sa isang dulo, at ang isang querubin sa kabilang dulo: kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga querubin sa dalawang dulo niyaon.

20 At (N)ibubuka ng mga querubin ang kanilang pakpak na paitaas, na nilililiman ang luklukan ng awa, ng kanilang mga pakpak, na ang kanilang mukha ay nagkakaharap, sa dakong luklukan ng awa ihaharap ang mga mukha ng mga querubin.

21 At (O)iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban, ay iyong ilalagay ang mga kinalalagdaan ng patotoo, na aking ibibigay sa iyo.

22 At (P)diya'y makikipagkita ako sa iyo, at makikipanayam sa iyo mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang querubin na nangasa ibabaw ng kaban ng patotoo, tungkol sa lahat ng mga bagay na ibibigay ko sa iyong utos sa mga anak ni Israel.

1 Corinto 2:1-10

At ako, mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay (A)hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan, na nagbabalita sa inyo (B)ng patotoo ng Dios.

Sapagka't aking pinasiyahang walang maalaman anoman sa gitna ninyo, (C)maliban na si Jesucristo, at siya na napako sa krus.

At ako'y nakisama sa inyo (D)na may kahinaan, at may katakutan, at may lubhang panginginig.

At ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi (E)sa patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan:

Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi (F)sa kapangyarihan ng Dios.

Gayon man, ay nangagsasalita kami ng karunungan (G)sa mga may gulang: bagaman hindi ng karunungan (H)ng sanglibutang ito, o ng mga may kapangyarihan sa sanglibutang ito, na ang mga ito'y nangauuwi sa wala:

Kundi sinasalita namin ang karunungan ng Dios sa hiwaga, (I)yaong karunungan na itinalaga ng Dios, bago nilalang ang mga sanglibutan sa ikaluluwalhati natin:

(J)Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito: sapagka't (K)kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang (L)Panginoon ng kaluwalhatian:

Datapuwa't gaya ng nasusulat,

(M)Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga,
Ni hindi pumasok sa puso ng tao,
Anomang mga bagay na (N)inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.

10 Nguni't ang mga ito ay ipinahayag sa atin (O)ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka't nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978