Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang gawa at salita ng Panginoon. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.
19 Ang (A)kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios;
(B)At ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
2 Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita,
At sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
3 Walang pananalita o wika man;
Ang kanilang tinig ay hindi marinig.
4 (C)Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa,
At ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan.
Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw,
5 Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid.
(D)At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo.
6 Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit,
At ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon:
At walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon.
7 Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa:
Ang (E)patotoo ng Panginoon ay tunay, (F)na nagpapapantas sa hangal.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso:
(G)Ang utos ng Panginoon ay dalisay, (H)na nagpapaliwanag ng mga mata.
9 Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man:
Ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid.
10 (I)Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto:
(J)Lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan.
11 Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod:
(K)Sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala.
12 Sinong makasisiyasat (L)ng kaniyang mga kamalian?
(M)Paliwanagan mo ako (N)sa mga kubling kamalian.
13 (O)Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala:
(P)Huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako,
At magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang.
14 (Q)Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin,
Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking (R)manunubos.
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito (A)ako'y naparirito sa iyo sa isang salimuot na ulap upang marinig ng bayan pagka ako'y magsasalita sa iyo, at paniwalaan ka rin naman nila magpakailan man. At sinalita ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.
10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pumaroon ka sa bayan at papagbanalin mo sila ngayon at bukas (B)at labhan nila ang kanilang mga damit,
11 At humanda sa ikatlong araw: (C)sapagka't sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.
12 At lalagyan mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, na iyong sasabihin, Magingat kayo, na kayo'y huwag sumampa sa bundok, o sumalang sa hangganan: (D)sinomang sumalang sa bundok ay papatayin na walang pagsala:
13 Walang kamay na hihipo sa kaniya, kundi, siya'y tunay na babatuhin, o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay: pagka ang pakakak ay tumunog ng maluwat ay sasampa sila sa bundok.
14 At (E)bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinakabanal ang bayan, at sila'y naglaba ng kanilang mga damit.
15 At kaniyang sinabi sa bayan, (F)humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong sumiping sa babae.
30 At nang maganap ang apat na pung taon, ay napakita sa kaniya (A)ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punong kahoy.
31 At nang makita ito ni Moises, ay nanggilalas sa tanawin; at nang siya'y lumapit upang pagmasdan, ay dumating ang isang tinig ng Panginoon,
32 (B)Ako ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob. At si Moises ay nanginig at hindi nangahas tumingin.
33 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Alisin mo ang mga pangyapak sa iyong mga paa: sapagka't ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal.
34 Totoong nakita ko ang kapighatian ng aking bayang nasa Egipto, at narinig ko ang kanilang hibik, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas: at ngayo'y halika, susuguin kita sa Egipto.
35 Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, Sino ang sa iyo'y naglagay na puno at hukom? ay siyang sinugo ng Dios na maging puno at tagapagligtas (C)sa pamamagitan ng kamay ng anghel na sa kaniya'y napakita sa mababang punong kahoy.
36 Pinatnugutan sila (D)ng taong ito, pagkagawa (E)ng mga kababalaghan at mga tanda sa Egipto, at sa dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apat na pung taon.
37 Ito'y yaong Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, Palilitawin ng Dios sa inyo ang isang (F)propeta na gaya ko, mula sa inyong mga kapatid.
38 Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama (G)ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap (H)ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin:
39 Sa kaniya'y ayaw magsitalima ang ating mga magulang, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y nangagbalik sa Egipto,
40 Na sinasabi kay Aaron, (I)Igawa mo kami ng mga dios na mangunguna sa amin: sapagka't tungkol dito kay Moises, na naglabas sa amin sa lupain ng Egipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kaniya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978