Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Ezekiel 33:7-20

“Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Tungkulin ng Bawat Isa

10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. 12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. 13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. 14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, 15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. 16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. 18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama 19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. 20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

Juan 5:19-40

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, 20 sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. 21 Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. 22 Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol 23 upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak.

24 “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. 25 Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. 26 Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. 27 Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig 29 at sila'y(A) babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.”

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(B) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(C) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(D) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(E) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.