Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 9:1-14

Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]

Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
    mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
    pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.

Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
    sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
    matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.

Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
    binura mo silang lahat sa balat ng lupa.

Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
    ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
    at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.

Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
    itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
    hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.

Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
    matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
    dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
    sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
    mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
    masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14     upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

Zacarias 1:7-17

Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo

Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, “Kagabi,(A) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”

Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”

11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”

12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”

13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”

Roma 2:1-11

Matuwid ang Hatol ng Diyos

Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.