Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”
5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
6 “Ginutom(A) ko kayo sa bawat lunsod;
walang tinapay na makain sa bawat bayan,
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin.
7 Hindi ko rin pinapatak ang ulan
na kailangan ng inyong halaman.
Nagpaulan ako sa isang lunsod ngunit sa iba'y hindi.
Dinilig ko ang isang bukirin ngunit ang iba'y hinayaang matuyo.
8 Kaya't naghanap ang mga tao mula sa dalawa o tatlong lunsod
ng tubig sa karatig-lunsod ngunit di rin napatid ang kanilang uhaw.
Gayunman, hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
9 “Sinira ko ang inyong pananim,
sa pamamagitan ng mainit na hangin at amag.
Kinain ng mga balang ang inyong mga halaman, pati ang mga puno ng ubas, igos at olibo,
gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
10 “Pinadalhan ko kayo ng salot tulad ng aking ginawa sa Egipto.
Pinatay ko sa digmaan ang inyong kabinataan;
inagaw ko ang inyong mga kabayo.
Bumaho ang inyong mga kampo dahil sa mga nabubulok na bangkay; halos hindi kayo makahinga,
subalit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
11 “Pinuksa(B) ko ang ilan sa inyong lunsod tulad ng Sodoma at Gomorra.
Kayo'y parang nagbabagang kahoy na inagaw sa apoy,
ngunit ayaw pa rin ninyong manumbalik sa akin,” sabi ni Yahweh.
12 “Mga taga-Israel, gagawin ko ito sa inyo,
kaya humanda kayong humarap sa inyong Diyos!”
13 Siya ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,
at ang nagpapahayag sa mga tao ng kanyang kaisipan.
Ginagawa niyang gabi ang araw;
siya ang naghahari sa buong sanlibutan.
Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang pangalan!
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
24 Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. 2 Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! 5 Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. 7 Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. 8 Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak.
9 “Pagkatapos(C) ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, 10 at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. 11 Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. 12 Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. 13 Ngunit(D) ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.