Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
21 Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,
ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba.
22 Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino,
ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao.
23 Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,
kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.
24 Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan,
matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
25 May(A) daang matuwid sa tingin ng tao,
ngunit kamatayan ang dulo nito.
26 Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap;
upang ang gutom ay bigyan ng lunas.
27 Ang laman ng isip ng tampalasan ay puro kasamaan,
ang kanyang mga labi ay parang nakakapasong apoy.
28 Ang(B) taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan,
at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
29 Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa,
at ibinubuyo sa landas na masama.
30 Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat;
pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak.
31 Ang mga uban ay putong ng karangalan,
ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay.
32 Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan,
at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.
33 Isinasagawa ng tao ang palabunutan,
ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan.
Mga Minanang Katuruan(A)
15 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, 2 “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!”
3 Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? 4 Sinabi(B) ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 5 Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ 6 hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina].[a] Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. 7 Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo,
8 ‘Ang(C) paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
9 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.