Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 9:1-14

Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]

Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
    mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
    pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.

Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
    sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
    matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.

Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
    binura mo silang lahat sa balat ng lupa.

Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
    ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
    at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.

Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
    itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
    hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.

Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
    matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
    dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.

11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
    sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
    mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.

13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
    masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14     upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.

Job 16:1-21

Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos

16 Sumagot naman si Job,
“Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi,
    kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi.
Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman?
    Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan?

“Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo,
    kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito.
Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo,
    may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo.
Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob,
    mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot.

“Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis;
    kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit.
Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan
    at nilipol pa niya pati aking sambahayan.
    Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat,
larawan ng mga hirap na aking dinaranas;
    ito raw ay katunayan ng aking kasalanan.
Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin;
    mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin.
10 Nilalait ako ng mga tao,
    pinapaligiran at sinasampal ako.
11 Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa.
12 Sa aking pananahimik,
    ako'y kanyang ginambala,
    sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana.
13 Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila,
    sugat ko'y malubha
    ngunit wala pa rin siyang awa.
14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan,
    para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban.

15 “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa,
    nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina.
16 Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha,
    mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga.
17     Wala naman akong ginagawang masama,
    panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya.

18 “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan,
huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan!
19 Ang(A) aking testigo ay nasa langit,
    siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig.
20 Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak,
    kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak.

21 “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal,
    tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan.

Mateo 24:45-51

Dapat Palaging Maging Handa(A)

45 “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? 46 Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! 47 Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ 49 Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. 51 Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa,[a] at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.