Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Ester 8:3-17

Ang Bagong Kahilingan ni Ester

Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”

Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”

Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia.[a] Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. 10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. 11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. 12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. 13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. 14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.

15 Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. 16 Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. 17 Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin.

Pahayag 19:1-9

19 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! Matuwid(A) at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli(B) silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!”

Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero

May(C) nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” Pagkatapos(D) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.

At(E) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.