Revised Common Lectionary (Complementary)
18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!
Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?
Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!
O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,
ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;
araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi(A) ako sa inyong mga handaan,
hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
2 Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
4 Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”
5 Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
Ang Pagbalik ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. 14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.
15 Ito(A)(B) ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. 17 Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. 18 Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.
Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. 2 Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. 3 Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. 4 Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. 5 Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay.
6 “Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ 7 Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’
9 “‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. 10 Kaya't lumakad ang limang dalagang iyon upang bumili ng langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.
11 “Pagkatapos,(B) dumating naman ang iba pang dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ pakiusap nila.
12 “Ngunit tumugon siya, ‘Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.’”
13 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.