Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Zefanias 1:7

Tumahimik kayo sa harapan ng Panginoong Yahweh!
    Sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
Inihanda na niya ang kanyang bayan upang ialay,
    at inanyayahan niya ang kanyang mga panauhin upang wasakin ang Juda.

Zefanias 1:12-18

12 “Sa panahong iyon ay gagamit ako ng ilawan
    upang halughugin ang Jerusalem.
Paparusahan ko ang mga taong labis na nagtitiwala sa sarili
    at nagsasabing,
‘Si Yahweh ay walang gagawin para sa ating ikabubuti o ikasasamâ.’
13 Sasamsamin ang kanilang kayamanan,
    at sisirain ang kanilang mga bahay.
Magtatayo sila ng mga bahay ngunit hindi nila matitirhan;
    magtatanim sila ng mga ubas ngunit hindi sila makakatikim ng alak nito.”

14 Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh,
    at ito'y mabilis na dumarating.
Kapaitan ang dulot ng araw na iyon;
    maging ang matatapang ay iiyak nang malakas.
15 Iyon ay araw ng poot, ligalig at dalamhati,
    araw ng pagkasira at pagkawasak,
    araw ng kadiliman at kalungkutan,
    araw ng maitim at makakapal na ulap.
16 Araw ng pagtunog ng trumpeta at ng sigawan ng mga sumasalakay
    sa mga napapaderang lunsod at nagtataasang tore.

17 Padadalhan ko ng matinding kalungkutan ang mga tao;
    lalakad sila na parang bulag,
    sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh.
Mabubuhos na parang tubig ang kanilang dugo,
    at mangangalat ang kanilang bangkay na parang basura.
18 Hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto
    sa araw ng poot ni Yahweh.
Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughuing poot
    ang buong daigdig,
sapagkat bigla niyang wawasakin
    ang lahat ng naninirahan sa lupa.

Mga Awit 90:1-8

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Mga Awit 90:9-11

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(A) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?

Mga Awit 90:12

12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

1 Tesalonica 5:1-11

Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon

Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.

Mateo 25:14-30

Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)

14 “Ang(B) paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto[a] ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16 Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17 Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.

19 “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’

21 “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’

22 “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’

23 “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’

24 “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. 25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.’

26 “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat(C) ang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon(D) ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.