Revised Common Lectionary (Complementary)
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
7 Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
8 Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa.
Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.”
9 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh,
“Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat,
at magdidilim sa buong maghapon.
10 Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian;
at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy.
Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa,
at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo.
Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak.
Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.”
11 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom.
Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig,
kundi sa pakikinig ng aking mga salita.
12 Mula sa hilaga papuntang timog,
mula sa silangan hanggang sa kanluran,
hahanapin nila ang salita ni Yahweh,
subalit iyon ay hindi nila matatagpuan.
13 Dahil sa matinding pagkauhaw na ito,
mawawalan ng malay-tao ang magagandang dalaga at ang malalakas na binata.
14 Ang mga sumusumpa sa pangalan ng mga diyus-diyosan sa Samaria,
ang mga nagsasabing, ‘Sa ngalan ng diyos ng Dan,’
at ‘Sa ngalan ng diyos ng Beer-seba,’
sila'y mabubuwal at hindi na makakabangon pa.”
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:
“Sinabi ng Panginoon,
‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.