Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 70

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
    tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
    bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
    bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
    sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.

Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
    at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”

Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
    lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
    huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!

Amos 3:1-12

Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:

“Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
    kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
    dahil sa inyong mga kasalanan.”

Ang Gawain ng Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay
    ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
Umuungal ba ang leon sa kagubatan
    kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon
    kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
    kung ito'y walang huli?
Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
    hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
    hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
    kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
Kapag umungal ang leon,
    sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
    sinong hindi magpapahayag?

Ang Hatol sa Samaria

Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
    at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
    tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
    maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
    “Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
    wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
    hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”

12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.

Pahayag 9:13-21

13 Hinipan(A) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” 15 At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. 16 Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). 17 Sa(B) aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. 18 Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao.

20 Ang(C) natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. 21 Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.