Revised Common Lectionary (Complementary)
Pananabik sa Presensya ng Diyos
Awit(A) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
2 Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
5 Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
7 ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.
2 Makinig kayo, matatandang pinuno,
pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
o sa panahon ng inyong mga ninuno?
3 Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.
4 Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
kinain ng sumunod ang natira ng una.
5 Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
Umiyak kayo, mga manginginom!
Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.
6 Sinalakay(A) ng makapal na balang ang ating lupain.
Sila'y mapangwasak at di mabilang;
parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
7 Sinira nila ang ating mga ubasan
at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
kaya't namuti pati mga sanga.
8 Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
9 Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10 Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
sapagkat nasalanta ang mga trigo,
natuyo ang mga ubas,
at nalanta ang mga punong olibo.
11 Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12 Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13 Magluksa kayo at tumangis,
mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14 Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
at ang lahat ng taga-Juda,
sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
at dumaing sa kanya.
6 Ngayon(A) ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. 8 Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. 9 Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? 10 Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11 Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. 12 Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.][a]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.