Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 7-9

Ang Lipi ni Isacar

Ang mga anak ni Isacar ay sina Tola, Pua, Jasub at Simron. Ang mga anak ni Tola ay sina Uzi, Refaya, Jeriel, Jahmai, Ibsam at Samuel. Sila'y magigiting na mandirigma at mga pinuno ng kanilang sambahayan ayon sa talaan ng lahi ng kanilang ama. Ang mandirigma nila noong panahon ni David ay umabot sa 22,600. Ang anak ni Uzi ay si Izrahias at ang mga anak naman nito ay sina Micael, Obadias, Joel at Isaias. Ang limang ito ay mga pinuno rin. Ang kanilang mga angkan ay may 36,000 mandirigma, sapagkat mas marami silang asawa't mga anak na lalaki. Ang mga mandirigma sa lipi ni Isacar ay umaabot sa 87,000.

Ang mga Lipi nina Benjamin at Dan

Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer at Jediael. Sina Esbon, Uzi, Uziel, Jeremot at Iri naman ang mga anak ni Bela. Sila'y mga pinuno ng kanilang sambahayan at pawang mga mandirigma. Ang kanilang mandirigma ay umaabot sa 22,034. Ang mga anak naman ni Bequer ay sina Zemira, Joas, Eliezer, Elioenai, Omri, Jeremot, Abias, Anatot at Alamet. Sila'y pawang magigiting na mandirigma at pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Ang kanilang mandirigma ay umaabot sa 20,200. 10 Ang anak ni Jediael ay si Bilhan. Ang mga anak naman ni Bilhan ay sina Jehus, Benjamin, Aod, Canaana, Zetan, Tarsis at Ahisahar. 11 Ang magkakapatid na ito'y pawang magigiting na mandirigma at pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Ang mandirigma nila'y umaabot sa 17,200. 12 Ang mga Supamita at Hupamita ay buhat sa lahi ni Ir. Ang mga anak ni Dan ay si Husim at ang angkan ni Aher.

Ang Lipi ni Neftali

13 Ang mga anak ni Neftali ay sina Jahzeel, Guni, Jezer at Sallum. Buhat sila sa lahi ni Bilha. 14 Ito naman ang mga anak ni Manases sa asawa niyang Aramea: Azriel at Maquir na ama ni Gilead. 15 Ikinuha ni Maquir ng asawa sina Hupim at Supim. Ang pangalan ng kapatid niyang babae ay Maaca. Ang pangalawang anak ni Maquir ay si Zelofehad. Babae namang lahat ang anak nito. 16 Si Maaca na asawa ni Maquir ay nagkaanak ng lalaki, at ito'y pinangalanan niyang Peres. Ang sumunod ay si Seres. Dalawa naman ang naging anak nito, sina Ulam at Requem. 17 Ang anak ni Ulam ay si Bedan. Ito ang mga angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases. 18 Ang kapatid niyang babae ay si Hamolequet na ina nina Ishod, Abiezer at Mahla. 19 Ang mga anak naman ni Semida ay sina Ahian, Shekem, Likhi at Aniam.

Ang Lipi ni Efraim

20 Ito ang mga sumunod na salinlahi ni Efraim: si Sutela na ama ni Bered na ama ni Tahat. Si Tahat ang ama ni Elada na ama ni Tahat. Siya ang 21 ama ni Zabad na ama ni Sutela. Anak din niya sina Ezer at Elad na pinatay ng mga taga-Gat nang tangkain nilang nakawin ang kawan ng mga tagaroon. 22 Matagal itong ipinagluksa ni Efraim kaya't inaliw siya ng kanyang mga kapatid. 23 Ngunit naglihi muli ang kanyang asawa, at lalaki naman ang naging anak. Beria[a] ang ipinangalan niya rito dahil sa kasawiang inabot nila. 24 Nagkaanak pa siya ng isang babae at pinangalanan niyang Seera. Ito ang nagtayo ng lunsod ng Beth-horon Ibaba, ng Beth-horon Itaas at ng Uzenseera. 25 Anak din niya si Refa na anak ni Resef. Anak ni Resef si Tela at anak naman nito si Tahan na ama ni Ladan. 26 Anak ni Ladan si Amihud na ama ni Elisama. 27 Anak ni Elisama si Nun na ama ni Josue. 28 Ang lupaing sakop nila ay ang Bethel, at sa dakong silangan ay ang Naaran. Sa kanluran naman ay ang Gezer, Shekem at Gaza, kasama ang lahat ng mga bayang nasasakop ng mga ito. 29 Subalit ang Beth-sean, Megido, Dor at ang mga bayang nasa paligid ng mga ito ay sakop ng lipi ni Manases. Dito nanirahan ang mga angkan ni Jose na anak ni Jacob.

Ang Lipi ni Asher

30 Ang mga anak ni Asher ay sina Imna, Isva, Isvi, Berias. Si Sera lang ang babae. 31 Ang mga anak naman ni Berias ay sina Heber at Malquiel na ama ni Birzavit. 32 Si Heber ang ama nina Jaflet, Somer, Jotam. Si Sua lang ang kapatid nilang babae. 33 Ang mga anak ni Jaflet ay sina Pasac, Bimhal at Asvat. 34 Ang mga anak naman ni Somer ay sina Ahi, Rohga, Jehuba at Aram. 35 Ang mga anak ng kapatid niyang si Helem ay sina Zofa, Imna, Seles at Amal. 36 Ang mga anak ni Zofa ay sina Suah, Harnefer, Sual, Beri, Imra, 37 Bezer, Hod, Samna, Silsa, Itran at Beera. 38 Ang mga anak ni Jeter ay sina Jefune, Pispa at Ara. 39 Ang mga anak ni Ulla ay sina Ara, Haniel at Rizia. 40 Lahat ng ito'y buhat sa lipi ni Asher na mga pinuno ng kani-kanilang sambahayan at kilalang mga mandirigma. Ang kawal nila'y umaabot sa 26,000.

Ang Lipi ni Benjamin

Si Bela ang panganay na anak ni Benjamin, si Asbel ang pangalawa, at si Ahara ang pangatlo. Ang pang-apat ay si Noha, at si Rafa ang panlima. Ang mga anak naman ni Bela ay sina Adar, Gera, Abihud, Abisua, Naaman, Ahoa, Gera, Sefufan at Huram. Ang mga anak naman ni Ehud ang ginawang pinuno ng mga angkang naninirahan sa Geba. Ngunit napilitang lumipat sa Manahat sina Naaman, Ahias at Gera na nanguna sa kanila na siya ring ama nina Uza at Ahihud. Si Saaraim ay nagkaanak sa lupain ng Moab, matapos niyang paalisin ang dalawa niyang asawang sina Husim at Baara. Ito ang mga anak niya kay Hodes: sina Jobab, Sibia, Mesa, Malcam; 10 Jeuz, Sachia at Mirma. Ang mga anak niyang ito ay naging mga pinuno ng kani-kanilang sambahayan. 11 Ang mga anak niya kay Husim ay sina Abitob at Elpaal. 12 Ang mga anak ni Elpaal ay sina Eber, Misam at Semed. Si Semed ang nagtatag ng mga lunsod ng Ono at Lod at mga nayon nito.

Ang Angkan ni Benjamin sa Gat at Ayalon

13 Anak din ni Elpaal sina Berias at Sema na mga pinuno ng sambahayan sa Ayalon. Sila ang nagpalayas sa mga mamamayan ng Gat. 14 Anak ni Beria sina Ahio, Sasac at Jeremot, 15 sina Zebadias, Arad, Adar, 16 Micael, Ispa at Joha.

Ang Angkan ni Benjamin sa Jerusalem at Gibeon

17 Sina Zebadias, Mesulam, Hizki, Heber, 18 Ismerai, Izlia at Jobab ay mga anak naman ni Elpaal. 19 Sina Jaquim, Zicri, Zabdi, 20 Elienai, Zilletai, Eliel, 21 Adaya, Beraya at Simrat ay mga anak naman ni Simei. 22 Mga anak naman ni Sasac sina Ispan, Eber, Eliel, 23 Abdon, Zicri, Hanan, 24 Hananias, Elam, Anatotias, 25 Ifdaya at Penuel. 26 Sina Samserai, Seharia, Atalia, 27 Jaaresias, Elias at Zicri ay mga anak naman ni Jeroham. 28 Lahat sila'y kabilang sa listahan ng mga angkan bilang pinuno ng sambahayan at mga pinunong nakatira sa Jerusalem.

29 Si Jeiel ang nagtatag ng bayan ng Gibeon at doon siya nanirahan. Ang asawa niya'y si Maaca. 30 Ang panganay nilang anak ay si Abdon at ang sumunod ay sina Sur, Kish, Baal, Nadab, 31 Gedor, Ahio, Zequer 32 at Miclot, ama ni Simea. Sila'y nanirahang kasama ng kanilang mga kamag-anak sa Jerusalem, katapat ng iba nilang angkan.

Ang Angkan ni Haring Saul

33 Si Ner naman ang ama ni Kish na ama ni Saul. Anak ni Saul sina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal. 34 Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica. 35 Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. 36 Anak ni Ahaz si Joada at mga anak naman nito sina Alemet, Azmavet at Zimri, na ama naman ni Moza. 37 Anak ni Moza si Binea na ama nina Rafa, Elasa at Azel. 38 Anim ang anak ni Azel, sina Azrikam, Bocru, Ismael, Searias, Obadias at Hanan. 39 Si Esec na kapatid ni Azel ay may mga anak din. Ang panganay niya ay si Ulam at ang mga sumunod ay sina Jeus at Elifelet. 40 Ang mga anak ni Ulam ay magigiting na mandirigma at mahuhusay gumamit ng pana. Ang mga anak at apo niya'y umaabot sa 150. Lahat sila'y buhat sa lipi ni Benjamin.

Mga Bumalik Mula sa Pagkabihag sa Babilonia

Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay naitala ayon sa kanya-kanyang lipi. Ito'y nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ang mga taga-Juda ay ipinatapon sa Babilonia bilang parusa sa kanilang kasamaan. Ang(A) mga unang bumalik sa kanilang mga lunsod at lupain ay ang mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa Templo at mga karaniwang mamamayan. May mga angkan sina Juda, Benjamin, Efraim at Manases na tumira sa Jerusalem.

Mga Nanirahan sa Jerusalem

Sa angkan naman ni Peres na anak ni Juda ay si Utai na anak ni Amihud at apo ni Omri. Ang iba pang angkan niya ay sina Imri at Bani. Sa angkan ni Sela, si Asaya ang pinakamatanda at ang mga anak niya. Sa angkan ni Zera, si Jeuel at ang kanyang mga angkan, lahat-lahat ay 690 pamilya.

Sa lipi naman ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesulam, na anak ni Hodavias na anak naman ni Asenua. Si Ibnias na anak ni Jeroham; si Ela na anak ni Uzi na anak naman ni Micri, si Mesulam na anak ni Sefatias, na anak ni Reuel na anak ni Ibnia. Ang kabuuan ng kanilang mga angkan ay umaabot sa 956. Lahat sila'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan.

Ang mga Pari sa Jerusalem

10 Sa pangkat naman ng mga pari ay kabilang sina Jedaias, Joiarib at Jaquin. 11 Si Azarias na anak ni Hilkias ang pinakapuno sa Templo. Ang mga ninuno niya'y sina Zadok, Meraiot at Ahitob. 12 Kasama rin si Adaya na anak ni Jeroham at apo ni Pashur na anak ni Malquias. Anak ni Malquias si Masai at apo ni Adiel. Ito'y anak ni Jazera na anak ni Mesulam na anak ni Mesilemit na anak ni Imer. 13 Ang mga ito'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan, pawang may kakayahan sa paglilingkod sa Templo at ang bilang nila ay umaabot sa 1,760.

Ang mga Levita sa Jerusalem

14 Ito naman ang listahan ng mga Levita: sa angkan ni Merari ay si Semaya na anak ni Hasub at apo ni Azrikam na anak naman ni Hashabias. 15 Kabilang din sina Bacbacar, Heres at Galal. Si Matanias ay anak ni Mica na anak ni Zicri na mula sa angkan ni Asaf.

16 Sa angkan ni Jeduthun ay kabilang si Obadias na anak ni Semaya at apo ni Galal, at si Berequias na anak ni Asa at apo ni Elkana. Sa mga nayon ng Netofa sila naninirahan.

Ang mga Bantay sa Templo na Nanirahan sa Jerusalem

17 Ang mga bantay sa pinto ng Templo ay sina Sallum, Akub, Talmon at Ahiman. Ang pinuno nila ay si Sallum. 18 Sila ang bantay sa pintong-pasukan ng hari sa gawing silangan ng Templo at dating bantay sa kampo ng mga anak ni Levi. 19 Si Sallum ay anak ni Korah at apo ni Ebiasaf na anak ni Korah. Kasama nila ang iba pang mula sa angkan ni Korah. Sila ang nakakaalam sa pagpasok sa Templo, gaya ng kanilang mga ninuno noong sila pa ang namahala sa kampo. 20 Si Finehas na anak ni Eleazar ang tagapamahala nila noon, at pinapatnubayan siya ni Yahweh. 21 Si Zacarias na anak ni Meselemias ang bantay-pinto sa Toldang Tipanan. 22 Ang lahat ng bantay-pinto ay umaabot sa 212. Sila'y kabilang sa listahan ng kani-kanilang nayon. Si David at ang propetang si Samuel ang naglagay sa kanila sa tungkuling ito sapagkat sila'y mapagkakatiwalaan. 23 Sila at ang kanilang mga anak ang naging bantay sa pinto ng Templo. 24 Sa apat na panig nito, sa silangan, sa kanluran, sa hilaga at sa timog ay may mga bantay. 25 Ang mga kamag-anak nila sa mga nayon sa paligid ay dumarating doon tuwing ikapitong araw upang makatulong nila. 26 Kailangan nilang gawin ito sapagkat ang apat na Levitang bantay doon ay namamahala rin sa mga silid at kayamanang nasa Templo. 27 Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga.

28 Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan. 29 Ang iba nama'y nangangalaga ng mga kasangkapan, ang iba naman ay sa mga kagamitan sa paglilingkod, tulad ng pinong harina, alak, langis, insenso at mga pabango. 30 At ang iba pa ang taga-timpla ng mga pabango. 31 Isa sa mga Levita na mula sa angkan ni Korah, si Matitias na panganay ni Sallum ang tagagawa ng manipis na tinapay. 32 May ilan pang mula sa angkan ni Kohat ang tagaayos naman sa mga tinapay na handog tuwing Araw ng Pamamahinga.

33 Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita na umaawit at doon na rin tumitira sa mga silid sa Templo. Wala silang ibang gawain, sapagkat kailangang gampanan nila ang kanilang tungkulin araw-gabi. 34 Sila'y mga pinuno ng mga sambahayang Levita ayon sa angkan at sila'y sa Jerusalem naninirahan.

Ang mga Ninuno at Angkan ni Haring Saul(B)

35 Doon din tumitira si Jelhiel, ang nagtatag ng bayan ng Gibeon. Ang asawa niya'y si Maaca. 36 Ang mga anak nila'y sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab, 37 Gedor, Ahio, Zacarias at Miclot. 38 Si Miclot ang ama ni Simeam at ng iba pang kamag-anak nilang nakatira sa tapat ng Jerusalem. 39 Si Ner ang ama ni Kish na ama naman ni Saul. Si Saul ang ama nina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal. 40 Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica. 41 Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. 42 Si Ahaz ang ama ni Jara, at si Jara naman ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 43 at si Moza naman ang ama ni Binea na ama nina Refaya, Elasa at Azel. 44 Ang mga anak ni Azel ay sina Azrikam, Bocru, Ismael, Seraya, Obadias at Hanan.

Juan 6:22-44

Hinanap ng mga Tao si Jesus

22 Kinabukasan, nakita ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Nalaman nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. 23 Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya't nang makita nilang wala roon si Jesus at ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.

Si Jesus ang Tinapay na Nagbibigay-buhay

25 Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?”

26 Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag(A) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”

28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”

29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.

30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(B) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.

32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”

34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”

35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” 43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.