Old/New Testament
Mga Kasangkapan sa Bulwagan ng Templo(A)
4 Gumawa(B) siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. 2 Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labingtatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. 3 Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. 4 Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. 5 Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. 6 Nagpagawa(C) rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.
7 Gumawa(D) rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. 8 Pagkatapos,(E) nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.
9 Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. 11 Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo.
Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: 12 ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; 13 ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; 14 ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; 15 ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; 16 ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. 17 Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso.
19 Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; 20 ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; 21 ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; 22 ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto.
5 Nang(F) matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.
Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(G)
2 Pinulong(H) ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. 3 Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. 4 Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan 5 at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.
6 Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. 7 At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 8 Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. 9 Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang(I) laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[a] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.
Ang Kaluwalhatian ni Yahweh
11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang(J) (K) mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.
Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(L)
6 Sinabi noon ni Solomon:
“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
2 Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”
3 Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. 4 Sinabi(M) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: 5 ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. 6 Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’
7 “Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. 8 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. 9 Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’
10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”
Ang Panalangin ni Solomon para sa Sarili(N)
12 Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay. 13 Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan. 14 Nanalangin siya ng ganito:
“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 15 Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama. 16 Yahweh,(O) Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’ 17 Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.
18 “Subalit(P) maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo? 19 Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod. 20 Huwag(Q) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin.
Ang Panalangin ni Solomon para sa Sambayanan
21 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.
22 “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 23 pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.
24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito, 25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.
28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot, 29 sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo, 30 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao. 31 Sa ganoon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. 32 Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. 33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.
34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.
36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, 37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, 38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. 40 Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito.
41 ‘Sa(R) iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban,
ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
42 Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari.
Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’”
24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”
25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(A) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
31 Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. 32 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”
33 Sumagot(B) ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.”
34 Tumugon(C) si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? 35 Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. 36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.”
39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila.
40 Muling(D) pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”
42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.