Old/New Testament
Ang Ubasan ni Nabot
21 Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. 2 Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.”
3 Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.”
4 Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. 5 Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?”
6 Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi'y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”
7 Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.”
8 Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. 9 Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. 10 Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.”
11 Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. 12 Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. 13 Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya'y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya't si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. 14 Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.”
15 Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.” 16 Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.
17 Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, 18 “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. 19 Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
20 Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.”
Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! 21 Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. 22 Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ 23 Ito(A) naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” 24 Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
25 Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. 26 Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon.
27 Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. 28 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, 29 “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbaba sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbaba siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.”
Binalaan si Ahab(B)
22 Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria. 2 Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda.
3 Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.” 4 Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.”
Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan. 5 Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
Ang Hula ng mga Bulaang Propeta
6 Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta.
7 Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?”
8 “Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab.
“Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat.
9 Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula. 11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.” 12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
Ang Pahayag ni Micaya
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”
17 Kaya't(C) sinabi ni Micaya,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna
kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”
19 Ngunit(D) nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. 20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. 21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’
“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.
“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
24 Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”
25 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”
26 Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas. 27 Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Napatay si Ahab sa Ramot-gilead(E)
29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” 32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, 33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. 34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. 36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”
37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. 38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.
39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.
Paghahari ni Jehoshafat sa Juda(F)
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi. 43 Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso. 44 Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama.
47 Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda. 48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber. 49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat. 50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.
Paghahari ni Ahazias sa Israel
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. 52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. 53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.
Si Jesus ay Ipinako sa Krus(A)
26 Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus.
27 Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. 28 Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa(B) mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?”
32 May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [34 Sinabi(C) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][a]
Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. 35 Ang(D) mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!”
36 Nilait(E) din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, 37 kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.”
38 Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo],[b] “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.”
40 Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! 41 Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.”
43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Jesus(F)
44 Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. 45 Nawalan(G) ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. 46 Sumigaw(H) nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.
47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!”
48 Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib dahil sa lungkot. 49 Nakatayo(I) naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Pinagmasdan nila ang mga pangyayaring ito.
Ang Paglilibing kay Jesus(J)
50-51 May isang lalaki roon na ang pangala'y Jose. Siya'y taga-Arimatea, isang bayan sa Judea. Mabuti at matuwid ang taong ito, at isa siya sa mga naghihintay sa kaharian ng Diyos. Kahit na siya'y kagawad ng Kapulungan, hindi siya sang-ayon sa kanilang ginawa kay Jesus. 52 Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. 54 Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga.
55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos,(K) umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.