Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 7-9

Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal[a] na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’”

Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.”

Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.”

Umalis ang Hukbo ng Siria

May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.”

Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakipsilim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.

Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.

Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” 10 At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” 11 Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo.

12 Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.”

13 Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.”

14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.

16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.

17 Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. 18 Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, 19 ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” 20 Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod.

Bumalik ang Babaing Taga-Sunem

Sinabi(A) ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.”

Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga.

Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.”

Ang Paghahari ni Hazael sa Siria

Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.”

10 Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” 11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael[b] hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. 12 Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13 “Paano(B) ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael.

Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” 14 At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad.

Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?”

Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. 15 Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay.

At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(C)

16 Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel,[c] si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. 17 Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. 18 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. 19 Gayunman,(D) hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon.

20 Sa(E) panahon ni Jehoram,[d] naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. 22 Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom.[e] Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna.

23 Ang iba pang ginawa ni Jehoram[f] ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda(F)

25 Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. 26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. 27 Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh.

28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, 29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito.

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”

Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”

Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”

“Kayo po,” sagot ng propeta. Tumindig(G) si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.

Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. 10 Si(H) Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.

11 Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”

Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”

12 “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.

At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”

13 Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”

Pinatay ni Jehu si Joram

14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. 15 Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” 16 Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.

17 Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”

Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”

18 Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”

Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”

Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”

19 Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”

20 Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.”

21 Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. 22 Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?”

Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?”

23 Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” 24 Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. 26 ‘Nakita(I) mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.”

Pinatay ni Jehu si Ahazias

27 Nang makita ni Ahazias ang nangyari, tumakas siya papuntang Beth-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur na malapit sa Ibleam. Gayunman, nakatakas siya sa Megido at doon namatay. 28 Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David.

29 Si Ahazias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel.

Ang Pagkamatay ni Jezebel

30 Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan ni Jezebel ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Zimri, mamamatay ng sariling panginoon?”

32 Tumingala si Jehu at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko 33 sinabi niya sa mga ito, “Ihulog ninyo ang babaing iyan.” Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilamsik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan niya sa karwahe. 34 Pumasok si Jehu sa palasyo upang kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaing iyon at ilibing ninyo sapagkat anak din naman siya ng hari.” 35 Nang puntahan nila ang bangkay upang ilibing, wala na silang nadatnan kundi ang ulo, mga buto ng kamay at paa nito. 36 Nang(J) ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, “Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na, ‘Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa mismong nasasakupan ng Jezreel. 37 Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakakilala sa kanya.’”

Juan 1:1-28

Ang Salita ng Buhay

Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Nasa kanya ang buhay,[a] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[b]

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.

14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”

16 Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. 17 Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos[c] na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(B)

19 Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. 20 Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”

21 “Sino(C) ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?”

“Hindi ako si Elias,” tugon niya.

“Ikaw ba ang Propeta?”

Sumagot siya, “Hindi rin.”

22 “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.

23 Sumagot(D) si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias,

    “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang,
    ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”

24 Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. 25 Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”

26 Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.