Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 19-21

Sumangguni si Ezequias kay Isaias(A)

19 Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.”

Pagdating ng mga inutusan ng hari, sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.”

Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(B)

Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”

14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(C) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”

Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(D)

20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. 21 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib:

‘Pinagtatawanan ka, Senaquerib, ng anak ng Zion;
    kinukutya ka at nililibak!
Inaalipusta ka ng lunsod ng Jerusalem.

22 “‘Sino ba ang iyong nilalait at pinagtatawanan,
    at hinahamak ng iyong pagsigaw?
Hindi mo na ako iginalang,
    ang Banal na Diyos ng Israel!
23 Ang paghamak mo kay Yahweh ay ipinahayag ng iyong mga sugo.
    Ang ipinagmamalaki mo'y maraming karwahe,
na kayang akyatin ang matataas na bundok ng Lebanon.
Pinagpuputol mo ang malalaking sedar
    at mga piling sipres doon;
napasok mo rin ang liblib na lugar,
    makapal na gubat ay iyong ginalugad.
24 Humukay ka ng maraming balon,
    tubig ng dayuhan ay iyong ininom.
Ang lahat ng batis sa bansang Egipto
    ay pawang natuyo nang matapakan mo.

25 “‘Tila hindi mo pa nababalitaan
    ang aking balak noon pa mang araw?
Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap
    matitibay na lunsod na napapaligiran ng pader,
    napabagsak mong lahat at ngayo'y bunton ng pagkawasak.
26 Ang mga nakatira sa mga nasabing bayan,
    pawang napahiya at ang lakas ay naparam.
Ang kanilang katulad at kabagay
    ay halamang lanta na sumusupling pa lamang,
natuyong damo sa ibabaw ng bubong.

27 “‘Lahat ng ginagawa mo'y aking nalalaman,
    ang pinagmulan mo at patutunguhan.
    Hindi na rin lingid ang iyong isipan,
    alam kong sa akin ika'y nasusuklam.
28 Dahil sa matinding poot mo sa akin,
    at kahambugan mong sa aki'y di lihim,
ang ilong mong iya'y aking tatalian
    at ang iyong bibig, aking bubusalan,
ibabalik kita sa iyong pinagmulan.’”

29 Sinabi ni Isaias, “Haring Ezequias, ito ay magiging isang palatandaan para sa iyo: Sa taóng ito, ang kakainin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan. At sa susunod na taon ay mga bunga rin noon. Ngunit sa ikatlong taon, maghasik kayo at mag-ani, magtanim ng ubas at kainin ang mga bunga niyon. 30 At ang mga natirang buháy sa sambahayan ni Juda, ay muling dadami, mag-uugat at mamumunga nang sagana. 31 May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”

32 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. 33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. 34 Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”

35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. 36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.

37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.

Nagkasakit si Ezequias(E)

20 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, “Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.”

Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”

Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”

Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”

10 Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”

11 Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.

Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia(F)

12 Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13 Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

14 Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?”

“Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias.

15 “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias.

“Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias.

16 Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17 ‘Darating(G) ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18 Pati(H) ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’”

19 Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Ang Pagkamatay ni Ezequias(I)

20 Ang iba pang ginawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng tipunan at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 21 Namatay siya at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Manases sa Juda(J)

21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi(K) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa(L) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang(M) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.

10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16 Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17 Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(N)

19 Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. 20 Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 21 Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, 22 tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23 Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. 24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25 Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari.

Juan 4:1-30

Si Jesus sa Samaria

Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon[a] (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Kailangan dumaan siya sa Samaria.

Dumating(A) siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon.

May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan.

Sinabi(B) sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano.[b]

10 Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”

11 Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? 12 Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?”

13 Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”

15 Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.”

16 “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus.

17 “Wala akong asawa,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa 18 sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.”

19 Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.”

21 Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. 24 Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

25 Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.”

26 “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus.

27 Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?”

28 Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, 29 “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?”

30 Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.