Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 22-23

Si Haring Josias ng Juda(A)

22 Si(B) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(C)

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. Hindi(D) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”

Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.

11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”

14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.

Ang mga Reporma ni Josias(E)

23 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.

Ang(F) lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. 10 Ipinagiba(G) rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. 11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. 12 Ang(H) mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. 13 Ipinagiba(I) rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. 14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.

15 Ipinagiba(J) rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. 16 Nang(K) makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. 17 Nang(L) makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”

“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. 20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa(M)

21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” 22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. 23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.

Iba Pang mga Repormang Ginawa ni Josias

24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. 25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.

26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. 27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”

Ang Pagwawakas ng Paghahari ni Josias(N)

28 Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 29 Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido. 30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(O)

31 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno. 33 Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. 34 Inilagay(P) ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(Q)

35 Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco.

36 Si(R) Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. 37 Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

Juan 4:31-54

31 Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.”

32 Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin.

35 “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. 37 Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.”

39 Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” 40 Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. 42 Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan

43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(A) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(B) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.

46 Nagpunta(C) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”

49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”

50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.

52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”

“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.

53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.