Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 22-24

22 Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.”

Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo

Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.

Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Sinabi(A) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[a] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”

11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(B) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”

17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”

Ang Gawain ng mga Levita

23 Nang(C) matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon.

Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.

Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. 10 Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. 11 Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan.

12 Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Mga(D) anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. 14 Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. 15 Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. 16 Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; 17 kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak.

18 Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. 19 Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. 20 Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa.

21 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. 23 Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot.

24 Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

25 Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. 26 Dahil(E) dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” 27 Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. 28 Sila'y(F) tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. 29 Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. 30 Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, 31 at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. 32 Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh.

Ang Gawain ng mga Pari

24 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Sina(G) Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.

7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.

19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Ang Listahan ng mga Levita

20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; 21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; 22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; 23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; 24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; 25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; 26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; 27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. 28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel. 30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.

Sila ang mga angkan ng mga Levita. 31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.

Juan 8:28-59

28 Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, 29 at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.”

30 Maraming nakarinig nito ang naniwala sa kanya.

Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo

31 Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. 32 Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

33 Sumagot(A) sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?”

34 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. 36 Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. 37 Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. 38 Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.”

Ang Diyablo ang Inyong Ama

39 Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.”

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. 40 Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. 41 Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.”

Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.”

42 Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? 44 Ang(B) diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. 45 Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. 46 Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”

Si Jesus at si Abraham

48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”

49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”

52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”

54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”

57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[a]

58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”

59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.