Old/New Testament
Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)
10 Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok ng Gilboa. 2 Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. 3 Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. 4 Dahil dito, sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang mga gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito, sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya't binunot ni Saul ang kanyang espada, at sinaksak niya ang sarili. 5 Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. 6 Kaya't sabay-sabay na namatay si Saul, ang kanyang tatlong anak na lalaki, at lahat ng kanyang mga kamag-anak. 7 Nang makita ng mga Israelitang nasa libis na tumakas na ang hukbo ng Israel at nang mabalitaang napatay na si Saul at ang mga anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.
8 Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. 9 Hinubaran nila si Saul, pinugutan ng ulo at kinuha ang kanyang mga gamit-pandigma. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain upang ibalita sa mga Filisteo at sa kanilang mga diyus-diyosan ang kanilang tagumpay. 10 Ang mga gamit-pandigma ni Saul ay dinala nila sa templo ng kanilang mga diyus-diyosan at ang ulo niya'y isinabit nila sa templo ng kanilang diyos na si Dagon. 11 Subalit nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma at kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doo'y inilibing sa ilalim ng malaking puno. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa. 13 Namatay(B) si Saul sapagkat hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na 14 sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse.
Naging Hari si David(C)
11 Ang buong sambayanang Israel ay nagpunta kay David sa Hebron. “Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman,” sabi nila. 2 “Nang panahong hari si Saul, pinangunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: ‘Ikaw ang magiging pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’” 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay pumunta sa Hebron, at sa harapan ni Yahweh ay gumawa si David ng kasunduan sa kanila. Binuhusan nila ito ng langis, at itinanghal na hari ng Israel. Kaya't natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Samuel.
4 Ang(D) Jerusalem na noo'y tinatawag na Jebus ay sinalakay ni Haring David at ng mga Israelita. 5 Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David. 6 Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo. 7 Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David. 8 Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod. 9 Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
Ang mga Bantog na Kawal ni David(E)
10 Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh. 11 Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo.[a] Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
12 Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita. 13 Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas. 14 Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.
15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam. 16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem. 17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!” 18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh. 19 Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.
20 Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu[b] na kanyang pinamumunuan. 21 Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu[c] kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma.
22 Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon. 23 Siya rin ang pumatay sa higanteng Egipcio na dalawa't kalahating metro ang taas at may armas na isang sibat na ang hawakan ay napakalaki. Sinagupa niya ito na ang hawak lamang niya'y batuta, ngunit naagaw niya ang sibat. Ito na rin ang ginamit niya sa pagpatay sa higante. 24 Dahil sa mga ginawang ito, siya'y nakilala rin, tulad ng Tatlo.[d] 25 Nangunguna siya sa Tatlumpu, ngunit hindi rin niya nahigitan ang kagitingan ng Tatlo. Siya ang ginawa ni David na pinuno ng kanyang mga bantay.
26-47 Ito pa ang ilan sa mga magigiting na kawal ni David:
Asahel, kapatid ni Joab
Elhanan, anak ni Dodo na mula sa Bethlehem
Samot na taga-Harod
Helez na taga-Pelet
Ira, anak ni Iques na taga-Tekoa
Abiezer na taga-Anatot
Sibecai na taga-Husa
Ilai na taga-Aho
Maharai na taga-Netofa
Heled, anak ni Baana na taga-Netofa rin
Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa Benjamin
Benaias na taga-Piraton
Hurai na mula sa kapatagan ng Gaas
Abiel na taga-Arba
Azmavet na taga-Bahurim
Eliaba na taga-Saalbon
Hasem na taga-Gizon
Jonatan, anak ni Sage na taga-Arar
Ahiam, anak ni Sacar na taga-Arar din
Elifal, anak ni Ur
Hefer na taga-Mequera
Ahias na taga-Pelon
Hezro na taga-Carmel
Naarai, anak ni Ezbai
Joel, kapatid ni Natan
Mibhar, anak ni Hagri
Zelec na taga-Ammon
Naarai na taga-Berot, tagadala ng sandata ni Joab
Ira at Gareb na taga-Jatir
Urias na Heteo
Zabad, anak ni Ahlai
Adina, anak ni Siza na isang pinuno sa angkan ni Ruben at may sariling pangkat ng tatlumpung tao
Hanan, anak ni Maaca
Joshafat na taga-Mitan
Uzias na taga-Asterot
Sammah at Jeiel, mga anak ni Hotam na taga-Aroer
Jediael at Joha, mga anak ni Simri na taga-Tiz
Eliel na taga-Mahava
Jeribai at Josavia, mga anak ni Elnaam
Itma na taga-Moab
Eliel, Obed, at Jasael na mga taga-Zoba.
Ang mga Unang Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Benjamin
12 Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. 2 Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: 3 si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; 4 si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; 5 sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; 6 sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; 7 sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Gad
8 Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. 9 Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, 10 Mismana, Jeremias, 11 Atai, Eliel, 12 Johanan, Elzabad, 13 Jeremias at Macbanai. 14 Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. 15 Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa mga Lipi nina Benjamin at Juda
16 May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. 17 Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” 18 Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi:
“Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse!
Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo!
Sapagkat Diyos ang iyong katulong.”
Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo.
Ang mga Tagasunod ni David Mula sa Lipi ni Manases
19 Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” 20 Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. 21 Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. 22 Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo.
Ang Listahan ng Hukbo ni David
23 Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh:
24-37 Juda: 6,800 na mahuhusay gumamit ng sibat at kalasag; Simeon: 7,100 na mga kilala sa tapang at lakas; Levi: 4,600; Aaron sa pamumuno ni Joiada: 3,700; Zadok kasama ang 22 pinuno ng kanilang angkan; Benjamin, lipi ni Saul: 3,000, karamihan sa kanila'y nanatiling tapat sa angkan ni Saul; Efraim: 20,800 matatapang at kilala sa kanilang sambayanan; Kalahating lipi ni Manases: 18,000 na pinapunta upang gawing hari si David; Isacar: 200 mga pinuno kasama ang mga angkang kanilang pinamumunuan. Ang mga ito'y marunong humula ng panahon at nagpapasya kung ano ang hakbang na gagawin ng bansang Israel; Zebulun: 50,000 kawal na bihasa sa labanan at sanay sa lahat ng uri ng sandata; Neftali: 1,000 pinuno at 37,000 kawal na armado ng kalasag at sibat; Dan: 28,600 kawal na sanay sa labanan; Asher: 40,000 kawal na handa na sa labanan; Mula naman sa lipi nina Ruben, Gad at kalahating lipi ni Manases na nasa ibayo ng Jordan: 120,000 armado at bihasa sa lahat ng uri ng sandata.
38 Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. 39 Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. 40 Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel.
45 Nasusulat(A) sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?”
53 Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita tungkol sa Buhay na Walang Hanggan
60 Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?”
61 Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang(B) Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. 64 Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”
66 Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. 67 Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(C) si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”
70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.