Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 46-48

Nagpunta sa Egipto ang Sambahayan ni Jacob

46 Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!”

“Narito po ako,” sagot niya.

“Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.”

Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. Dinala(A) rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.

Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan. 11 Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari; 12 si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul. 13 Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron. 14 Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel. 15 Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat.

16 Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli; 17 si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel. 18 Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim.

19 Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin; 20 sina(B) Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang. 21 Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard. 22 Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel.

23 Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at 24 si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem. 25 Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel.

26 Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang. 27 Dalawa(C) ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu.

Si Jacob at ang Kanyang Sambahayan sa Egipto

28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. 29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. 30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”

31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. 32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. 33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, 34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.

47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.

Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”

“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”

Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”

Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob.

Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” 10 Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. 11 Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. 12 Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.

Ang Pamamahala ni Jose sa Panahon ng Taggutom

13 Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, 14 kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. 15 Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.”

16 Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” 17 At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.

18 Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.

19 “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”

20 Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. 21 Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. 22 Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. 24 Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”

25 Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” 26 Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.

Huling Habilin ni Jacob

27 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi. 28 Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon. 29 Nang(D) maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto. 30 Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.”

“Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose.

31 Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin.

Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases

48 Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. Sinabi(E) niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. Ipinasiya(F) ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)

Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”

“Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.

Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”

12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.

13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,

“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
    ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
    simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.

16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
    pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
    ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”

17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”

19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”

20 Sinabi(G) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
    dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
    ‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”

Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.

21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”

Mateo 13:1-30

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil(B) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(D) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,

‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
    at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
    mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
    nakarinig ang kanilang mga tainga,
    nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
    at pinagaling ko sila.’

16 “Subalit(F) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)

18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.

20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.

22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.

23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”

Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.