Old/New Testament
Sinugo ng Diyos si Moises
4 Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?”
2 “Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh.
“Tungkod po,” sagot ni Moises.
3 “Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo. 4 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli. 5 “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh.
6 “Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe. 7 “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati. 8 Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. 9 Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.”
10 Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.”
11 Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? 12 Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin.”
13 “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises.
14 Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. 16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. 17 Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.”
Bumalik si Moises sa Egipto
18 Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro.
19 Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.” 20 Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod.
21 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao. 22 Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. 23 Payagan(A) mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’”
24 Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. 25 Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa[a] ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” 26 Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.”
27 Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. 29 At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. 30 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila 31 at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh.
Sina Moises at Aaron sa Harapan ng Faraon
5 Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.”
2 “Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon.
3 Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”
4 Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho. 5 Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon.
6 Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, 7 “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila. 8 At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos. 9 Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.”
10 Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.” 12 Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami. 13 Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami. 14 Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?”
15 Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito? 16 Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!”
17 Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh. 18 Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.”
19 Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin. 20 Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.”
Nanalangin si Moises
22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? 23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”
6 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”
Muling Isinugo si Moises
2 Sinabi(B) ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. 3 Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. 4 Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. 6 Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. 7 Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” 9 Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas.
10 Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, 11 “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.”
12 “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises.
13 Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.”
Ang Pinagmulang Angkan nina Moises at Aaron
14 Ito ang mga puno ng pinagmulang angkan nina Moises at Aaron: ang kay Ruben na siyang panganay ni Israel ay sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi. 15 Ang kay Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul na anak ng isang Cananea. 16 Kay(C) Levi naman ay sina Gershon, Kohat at Merari. Si Levi ay nabuhay nang 137 taon. 17 Ang naging anak naman ni Gershon ay sina Libni at Seimei. 18 Ang kay Kohat naman ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat nang 133 taon. 19 Naging anak ni Merari sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan sa lipi ni Levi.
20 Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama at naging anak nila sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay nang 137 taon. 21 Naging anak ni Izar sina Korah, Nefeg at Zicri. 22 Ang mga anak naman ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri.
23 Napangasawa ni Aaron si Elisabet na kapatid ni Naason at anak ni Aminadab. Naging anak nila sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 24 Ang mga anak ni Korah ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Ito ang mga angkan sa lipi ni Korah. 25 Napangasawa ni Eleazar na anak ni Aaron ang isang anak ni Futiel at naging anak nila si Finehas. Ito ang mga puno ng angkan ng mga Levita ayon sa kani-kanilang lipi.
26 Sina Aaron at Moises ang inutusan ni Yahweh na manguna sa Israel upang mailabas sila sa Egipto ayon sa kani-kanilang lipi. 27 Kaya't sinabi nila sa Faraon na palayain ang mga Israelita.
Inutusan sina Moises at Aaron
28 Nang si Moises ay kausapin ni Yahweh sa Egipto, 29 ganito ang sinabi sa kanya: “Ako si Yahweh. Sabihin mo sa Faraon, sa hari ng Egipto, ang lahat ng sinabi ko sa iyo.”
30 Ngunit sumagot si Moises, “Paano ako papakinggan ng Faraon gayong hindi ako mahusay magsalita?”
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”
28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”
29 Sumagot siya, “Halika.”
Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin,[a] siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.
31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.
32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(B)
34 Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. 35 Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. 36 Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.