Old/New Testament
Ang mga Angkan ng mga Anak ni Noe(A)
10 Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. 3 Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. 4 Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim.[a] 5 Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa'y nagkaroon ng sariling lupain at wika.
6 Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. 7 Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. 8 Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. 9 Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: “Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh.” 10 Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. 11 Mula rito'y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale 12 at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod.
13 Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, 14 gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo.
15 Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. 16 Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 17 Hivita, Araceo, Sineo, 18 Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. 19 Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. 20 Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba't ibang lupain at naging iba't ibang bansa na may kani-kanilang wika.
21 Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber.[b] 22 Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. 23 Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. 24 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. 25 Dalawa ang anak ni Heber: ang isa'y tinawag na Peleg,[c] sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. 26 Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. 30 Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. 31 Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa.
32 Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha.
Ang Tore ng Babel
11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. 2 Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[d] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. 3 Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. 4 Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”
5 Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. 6 Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. 7 Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” 8 At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. 9 Babel[e] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.
Ang Lahi ni Shem(B)
10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
Ang Lahi ni Terah
26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.
27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.
31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.
Tinawag ng Diyos si Abram
12 Sinabi(C) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 2 Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.
3 Ang(D) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[f]
4 Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. 5 Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.
Pagdating nila roon, 6 nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. 7 Nagpakita(E) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. 8 Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. 9 Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(F) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
7 Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.
Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(G)
12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(I) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain(J) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag.”
17 Magmula(K) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(L)
18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(M)
23 Nilibot(N) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.