Old/New Testament
Nagbalik kay Jose ang Magkakapatid
43 Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. 2 Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.”
3 Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. 4 Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. 5 Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.”
6 Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.”
7 Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.”
8 Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. 9 Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. 10 Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.”
11 Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. 12 Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. 13 Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. 14 Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.”
15 Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. 16 Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” 17 Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid.
18 Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.”
19 Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. 20 Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. 21 Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. 22 May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.”
23 “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila.
24 Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. 25 Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. 26 Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. 27 Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?”
28 “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya.
29 Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” 30 Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. 32 Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. 33 Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunud-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upô. 34 Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman.
Ang Nawawalang Kopa
44 Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. 2 At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. 3 Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. 4 Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? 5 Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’”
6 Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. 7 Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! 8 Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? 9 Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.”
10 “Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” 11 Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. 12 Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. 13 Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod.
14 Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 15 Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!”
16 “Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.”
17 Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.”
Nagmakaawa si Juda
18 Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. 19 Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. 20 Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. 21 Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. 22 Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. 23 Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo.
24 “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. 25 Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. 26 Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. 27 Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. 28 Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. 29 At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’
30 “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, 31 tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. 32 Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. 33 Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. 34 Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.”
Nagpakilala na si Jose
45 Hindi(A) na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang mga tagapaglingkod na naroon. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya. 2 Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya't ang balita'y mabilis na nakarating sa palasyo. 3 “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. 4 “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. 5 Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay. 6 Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin. 7 Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. 8 Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.”
9 Sinabi(B) pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon. 10 Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin. 11 Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap. 12 Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose. 13 Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.”
14 Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose. 15 Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.
16 Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan. 18 Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito. 19 Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto. 20 Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”
21 Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak. 23 Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay. 24 Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.”
25 Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan. 26 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.
27 Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.
28 “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”
24 Nang(A) marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” 25 Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. 26 Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? 27 Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. 28 Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 “Hindi(B) mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. 30 Ang(C) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. 32 Sinumang(D) magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.”
Sa Bunga Nakikilala(E)
33 “Sinasabi(F) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(G) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(H)
38 Sinabi(I) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(J) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(K) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(L) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(M) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(N)
43 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan 44 ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, 45 aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(O)
46 Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [47 May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”][a] 48 Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.