Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 14-15

Hinabol ng mga Egipcio ang mga Israelita

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pabalikin mo ang mga Israelita at doon mo sila pagkampuhin sa tapat ng Pi Hahirot, ng Baal-zefon, sa pagitan ng Migdol at ng dagat. Aakalain ng Faraon na kayo'y nagkakaligaw-ligaw na sa ilang sapagkat hindi ninyo malaman ang lalabasan. Pagmamatigasin ko ang Faraon at hahabulin niya kayo ngunit ipapakita ko sa kanya at sa kanyang mga tauhan ang aking kapangyarihan. Sa gayo'y malalaman ng mga Egipcio na ako si Yahweh.” Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila.

Nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Wala na ngayong maglilingkod sa atin!” Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at ang kanyang mga kawal. Ang dala niya'y animnaraang pangunahing karwaheng pandigma, kasama rin ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa'y may sakay na punong kawal. Pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon at hinabol nito ang mga Israelita na noo'y buong pagtitiwalang naglalakbay.[a] Hinabol nga sila ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi Hahirot sa tapat ng Baal-zefon.

10 Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. 11 Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! 12 Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”

13 Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. 14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”

Ang Pagtawid sa Dagat na Pula

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. 16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. 17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. 18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”

19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.

21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(A) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[b] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”

26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.

30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.

Ang Awit ni Moises

15 Ito(B) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:

“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
    ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
Si(C) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
    Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
Siya'y isang mandirigma;
    Yahweh ang kanyang pangalan.

“Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
    sa Dagat na Pula[c] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
    tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
    dinudurog nito ang mga kaaway.
Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
    sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
    parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
    kayamanan nila'y aking sasamsamin,
    at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
    parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.

11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
    Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
    sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
    nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
    tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
    doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
    matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
    mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
    nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
    nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
    Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
    doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”

Ang Awit ni Miriam

19 Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa.

20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:

“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
    itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”

Ang Batis ng Mapait na Tubig

22 Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula[d] patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. 23 Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait.[e] 24 Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” 25 Dahil(D) dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon.

Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. 26 Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”

27 Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon.

Mateo 17

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)

17 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, magtatayo ako ng tatlong tolda, isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Habang(C) nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita.

Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” 10 Tinanong(D) siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 11 Sumagot(E) siya, “Darating nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 At(F) sinasabi ko sa inyo, dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” 13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(G)

14 Pagbalik nila sa maraming tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, 15 “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. 16 Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.”

17 Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” 18 Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad.

19 Pagkatapos, nang sila-sila na lamang, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” 20 Sumagot(H) siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [21 Ngunit ang ganitong uri ng demonyo ay hindi mapapalayas kundi sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.][a]

Muling Binanggit ni Jesus ang Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay(I)

22 Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo 23 at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot.

Pagbabayad ng Buwis para sa Templo

24 Pagdating(J) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila.

25 “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ba ang nagbabayad ng buwis sa mga hari dito sa mundo, ang mga mamamayan[b] ba, o ang mga dayuhan?” 26 “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. 27 Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang salaping pilak.[c] Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.