Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 29-30

Dumating si Jacob kina Laban

29 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon.

Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?”

“Taga-Haran,” tugon nila.

“Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli.

“Oo,” sagot naman nila.

“Kumusta na siya?” tanong pa niya.

“Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.”

“Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?”

“Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.”

Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. 11 Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!”

Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. 13 Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, 14 sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan.

Naglingkod si Jacob Dahil kina Raquel at Lea

15 Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?” 16 Si Laban ay may dalawang anak na dalaga. Si Lea ang nakatatanda at si Raquel naman ang nakababata. 17 Mapupungay[a] ang mga mata ni Lea, ngunit mas maganda at kaakit-akit si Raquel.

18 Nabighani si Jacob kay Raquel, kaya't ang sabi niya kay Laban, “Paglilingkuran ko kayo nang pitong taon para kay Raquel.”

19 Sinabi ni Laban, “Mas gusto ko ngang ikaw ang mapangasawa niya kaysa iba. Sige, dumito ka na.” 20 Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito.

21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” 22 Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. 23 Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. 24 Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?”

26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. 27 Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.”

28 Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. 29 Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. 30 Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa.

Ang mga Anak ni Jacob

31 Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. 32 Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben[b] ang ipinangalan niya rito. 33 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon.[c] 34 Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi.[d] 35 Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda.[e] Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak.

30 Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.”

Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?”

Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.”

At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan[f] ang ipinangalan niya rito. Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali[g] ang bata.

Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, 10 at nagkaanak ito ng lalaki. 11 “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad[h] ang ipapangalan ko sa kanya.” 12 Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. 13 Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher[i] ang bata.

14 Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea.

15 Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?”

Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.”

16 Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, 17 at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. 18 Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar[j] ang kanyang anak. 19 Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. 20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.[k] 21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.

22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. 23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” 24 At tinawag niyang Jose[l] ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”

Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban

25 Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi. 26 Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”

27 Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo. 28 Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.”

29 Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa. 30 Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.”

31 “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban.

Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon. 32 Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin. 33 Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.”

34 “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban. 35 Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki. 36 Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan.

37 Pumutol naman si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendra at platano, at binalatan niya ang ibang parte upang magmukhang may batik. 38 Inilagay niya ito sa painuman upang makita ng mga hayop tuwing iinom. Sa ganoong pagkakataon nag-aasawahan ang mga hayop. 39 Napaglihian ang mga batik-batik na sanga, kaya naging batik-batik ang kanilang bisiro.

40 Ibinukod niya ang mga hayop na tagpian at itim sa kawan ni Laban upang ang mga ito ang laging natatanaw ng mga tupang puti. Sa gayon, parami nang parami ang sarili niyang kawan at ito'y hindi niya inihahalo sa kawan ni Laban.

41 Ang batik-batik na sanga ng kahoy ay inilalagay lamang ni Jacob sa painuman kung malulusog na hayop ang nag-aasawahan. 42 Ngunit hindi niya ito ginagawa kung ang mga hayop na nag-aasawahan ay hindi malulusog. Kaya't malulusog ang kanyang mga hayop samantalang ang kay Laban ay hindi. 43 Kaya't lalong yumaman si Jacob; lumaki ang kanyang kawan at dumami ang kanyang alipin, at mga kamelyo at asno.

Mateo 9:1-17

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.

Tinawag si Mateo(B)

Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.

10 Nang(C) si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo(D) kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)

14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas][a] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” 15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.

16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.