Old/New Testament
Mga Iba pang Lahi ni Abraham(A)
25 Muling nag-asawa si Abraham at ang pangalan ng babae ay Ketura. 2 Ang mga anak niya rito ay sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Suah. 3 Si Jocsan ang ama nina Seba at Dedan. Kay Dedan nagmula ang mga Asurim, Letusim at Leumim. 4 Ang mga anak naman ni Midian ay sina Efa, Efer, Enoc, Abida at Eldaa. Lahat sila'y buhat kay Ketura.
5 Kay Isaac ipinamana ni Abraham ang lahat niyang ari-arian. 6 Ngunit bago siya namatay, pinagbibigyan na niya ng regalo ang mga anak niya sa ibang asawa, at pinapunta sa lupain sa dakong silangan para mapalayo kay Isaac.
Namatay si Abraham
7 Si Abraham ay nabuhay nang 175 taon. 8 Matandang-matanda na siya nang mamatay. 9 At inilibing siya nina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela sa silangan ng Mamre, sa parang na dating kay Efron, anak ni Zohar na Heteo. 10 Ang(B) lugar na iyon ang binili ni Abraham sa mga Heteo at doon sila nalibing ni Sara. 11 Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac. Doon siya tumira sa Beer-lahai-roi.
Ang Lahi ni Ismael(C)
12 Ito naman ang lahi ni Ismael na anak ni Abraham kay Hagar, ang taga-Egiptong alipin ni Sara. 13 Si Nebayot ang panganay, sumunod sina Kedar, Abdeel at Mibsam. 14 Sumunod sina Misma, Duma at Massa; 15 pagkatapos ay sina Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. 16 Sila ang labindalawang anak ni Ismael na naging pinuno ng kani-kanilang lipi. Isinunod sa kanilang mga pangalan ang mga bayan at pinagkampuhan ng kani-kanilang mga lipi. 17 Namatay si Ismael sa gulang na 137 taon, at siya'y inilibing. 18 Ang lahi ni Ismael ay tumira sa lupain sa pagitan ng Havila at Shur, sa daang patungo sa Asiria sa silangan ng Egipto. Nakabukod sila sa ibang mga lipi ni Abraham.
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(D) naman ang sagot ni Yahweh:
“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”
24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.
Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan
27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. 28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.
29 Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. 30 Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom.[c]
31 Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”
32 “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?”
33 “Kung(E) gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. 34 Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.
Si Isaac sa Gerar at sa Beer-seba
26 Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo. 2 Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. 3 Dito(F) ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham. 4 Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi. 5 Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.”
6 Doon nga tumira si Isaac sa Gerar. 7 Kung(G) tinatanong siya ng mga tagaroon tungkol kay Rebeca, sinasabi niyang ito'y kanyang kapatid. Inililihim niyang mag-asawa sila sa takot na siya'y patayin para makuha si Rebeca, sapagkat ito'y maganda. 8 Hindi pa sila nagtatagal sa lugar na iyon, nadungawan minsan ni Abimelec sina Isaac at Rebeca na naglalambingan. 9 Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?”
“Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac.
10 “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!” 11 At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.”
12 Nang taóng iyon, si Isaac ay nagsaka sa lupain ng Gerar at makasandaang ibayo ang kanyang inani kaysa kanyang itinanim. Pinagpala siya ni Yahweh. 13 Patuloy na lumago ang kanyang kabuhayan, at siya'y naging napakayaman. 14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo sapagkat marami siyang alipin at mga kawan ng tupa at baka. 15 Kaya't tinabunan nila ang mga balong ginawa ng mga alipin ni Abraham noong ito'y nabubuhay pa.
16 Sinabi ni Abimelec, “Umalis ka na, Isaac; mas makapangyarihan ka pa ngayon kaysa amin.” 17 Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama.
19 Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis, 20 ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon.
21 Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.” 22 Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.”
23 Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba. 24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi,
“Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham,
huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita;
pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahi
alang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.”
25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin.
Ang Kasunduan ni Isaac at ni Abimelec
26 Dumating(H) si Abimelec buhat sa Gerar kasama si Ahuzat na kanyang tagapayo at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 27 Tinanong siya ni Isaac, “Bakit mo ako dinalaw? Hindi ba't galit ka sa akin at ako'y pinaalis mo sa iyong bayan?”
28 Ito ang sagot nila: “Naniniwala na kami ngayon na kasama mo ang Diyos; nais naming makipagkasundo sa iyo. Ipangako mo sanang 29 hindi mo kami pipinsalain, sapagkat hindi ka rin naman namin pininsala. Pinakitaan ka namin ng mabuti at hindi ka ginambala sa iyong pag-alis. Ikaw ngayon ang pinagpapala ni Yahweh.” 30 Naghanda si Isaac ng malaking salu-salo at sila'y nagkainan at nag-inuman. 31 Kinaumagahan, sila'y nagsumpaang magiging magkaibigan, at saka mapayapang naghiwalay.
32 Nang araw ring iyon, ibinalita ng mga alipin ni Isaac na sila'y nakahukay na ng tubig. 33 Tinawag niyang “Balon ng Panata” ang balong iyon. Kaya, hanggang ngayon ay Beer-seba[d] ang tawag sa lunsod na itinayo roon.
Nag-asawa ng mga Dayuhan si Esau
34 Apatnapung taon si Esau nang siya'y mag-asawa; si Judit na anak ng Heteong si Beeri ang napangasawa niya. Naging asawa rin niya si Basemat, anak naman ni Elon, isa ring Heteo. 35 Ang dalawang ito ang naging dahilan ng malaking sama ng loob nina Isaac at Rebeca.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)
8 Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. 2 Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong,[a] lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” 3 Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. 4 Pagkatapos,(B) sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.”
Ang Pagpapagaling sa Katulong ng Kapitang Romano(C)
5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” 7 Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y(D) nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan(E) ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. 12 Ngunit(F) ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” 13 At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.
Maraming Pinagaling si Jesus(G)
14 Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. 15 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus.
16 Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. 17 Sa(H) gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.