Old/New Testament
Sina Abraham at Abimelec
20 Nilisan ni Abraham ang Mamre at nagpunta sa lupain ng Negeb sa pagitan ng Kades at Shur, at tumira sa Gerar. Habang siya'y naroon, 2 kapatid(A) ang pakilala niya kay Sara, kaya ito'y ipinakuha ni Abimelec, hari ng Gerar. 3 Sa isang panaginip, nagpakita ang Diyos kay Abimelec at sinabi, “Mamamatay ka dahil sa babaing kinuha mo; siya ay may asawa na.”
4 Noon ay hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara, kaya't sinabi niya, “Panginoon, papatayin ba ninyo ako at ang aking bayan na wala namang kasalanan? 5 Kapatid ang pakilala ni Abraham kay Sara, at gayundin naman ang pakilala nito kay Abraham. Ginawa ko po ito na malinis ang aking hangarin, kaya wala akong kasalanan.”
6 Sumagot ang Diyos, “Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin. 7 Ibalik mo siya agad sa kanyang asawa. Propeta ang asawa niya, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Kapag hindi mo siya ibinalik, hindi lamang ikaw ang mamamatay, kundi pati ang buong nasasakupan mo.”
8 Kinabukasan, sinabi ni Abimelec sa mga alipin niya ang mga bagay na ito, at gayon na lamang ang kanilang pagkatakot. 9 Dahil dito'y ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Bakit mo ginawa ito? Ano bang kasalanan ko at dinalhan mo ng kapahamakang ito ang aking kaharian? Hindi tama ang ginawa mo! 10 Ano bang pumasok diyan sa isip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”
11 Sumagot si Abraham, “Ang akala ko po'y walang takot sa Diyos ang mga tagarito, at nangangamba akong baka patayin nila ako para makuha ang aking asawa. 12 Ang totoo po'y kapatid ko siya sa ama at napangasawa ko siya. 13 Kaya po nang sabihin sa akin ng Diyos na lisanin ko ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa aking asawa, ‘Mabuti pa'y ganito ang gawin mo: saanman tayo pumunta, sabihin mong tayo'y magkapatid at sa gayo'y maipapakita mo ang iyong katapatan sa akin.’”
14 Sa halip na parusahan, binigyan pa ni Abimelec si Abraham ng mga tupa, baka at mga aliping lalaki at babae, at ibinalik niya si Sara. 15 Sinabi pa niya kay Abraham, “Sa buong lupain kong ito, tumira ka kung saan mo gusto.” 16 Ito naman ang sinabi niya kay Sara: “Binibigyan ko ang iyong kapatid ng sanlibong pirasong pilak, bilang katunayan na ang dangal mo'y hindi nadungisan. Sa gayon, hindi iisipin ninuman na ikaw ay may ginawang masama.”
17-18 Dahil sa pagkakuha ng hari kay Sara, pinarusahan ni Yahweh ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec: hindi sila magkaanak. At upang malunasan ito, ipinanalangin sila ni Abraham. Gumaling naman si Abimelec, at mula noon, ang kanyang asawa't mga aliping babae ay nagkaanak.
Ang Kapanganakan ni Isaac
21 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2 Ayon(B) sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4 Ayon(C) sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8 Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
Pinalayas si Hagar at si Ismael
9 Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. 10 Nang(D) makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. 12 Ngunit(E) sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. 13 Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14 Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. 15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, 16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.[a]
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. 18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” 19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. 20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. 21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec
22 Nang(F) panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos. 23 Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”
24 “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.
25 Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari. 26 Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?” 27 Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka. 28 Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan. 29 “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.
30 Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.” 31 Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba,[b] sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.
32 Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 33 Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan. 34 Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Sinubok ng Diyos si Abraham
22 Pagkalipas(G) ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya.
2 Sinabi(H) sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
3 Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. 4 Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. 5 Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”
6 Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. 7 Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”
“Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham.
“Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac.
8 Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad.
9 Pagsapit(I) nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. 10 Nang sasaksakin na niya ang bata, 11 tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!”
“Narito po ako,” sagot ni Abraham.
12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.”
13 Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.”
15 Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, 16 “Ako'y(J) nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, 17 pagpapalain(K) kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan(L) ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.” 19 Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba.
Ang mga Angkan ni Nahor
20 Hindi nagtagal, nabalitaan ni Abraham na si Milca, ang asawa ng kanyang kapatid na si Nahor, ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki. 21 Ang panganay ay si Hus, sumunod si Buz at pagkatapos ay si Kemuel na ama ni Aram. 22 Ang iba pang naging anak ni Nahor kay Milca, ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Bethuel. 23 Si Bethuel ang ama ni Rebeca. Ito ang walong anak ni Nahor kay Milca. 24 Kay Reuma na asawang-lingkod ni Nahor, naging anak naman niya sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag(B) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(C) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(D)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
Diyos o Kayamanan?(E)
24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][a] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!
31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][b] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.