Old/New Testament
Si Hagar at si Ismael
16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2 Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. 4 Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”
6 At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.
7 Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. 8 “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel.
“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar.
9 Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya.
10 Mga anak mo ay aking pararamihin,
at sa karamiha'y di kayang bilangin;
11 di na magtatagal, ika'y magsisilang,
Ismael[a] ang sa kanya'y iyong ipangalan,
sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan.
12 Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad;
maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”
13 Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” 14 Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.”
15 Nagsilang(A) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.
Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan
17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. 2 Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” 3 Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, 4 “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. 5 Hindi(B) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[b] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. 6 Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.
7 “Tutuparin(C) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. 8 Ibibigay(D) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”
9 Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(E) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. 13 Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. 14 Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.”
15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[c] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”
17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” 18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”
19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac.[d] Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. 21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” 22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.
23 Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili. 24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin, 25 si Ismael naman ay labingtatlo. 26 Tinuli sila sa parehong araw, 27 at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin.
Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya
27 “Narinig(A) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(B) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(C) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”
Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(D)
31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[a] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Katuruan tungkol sa Panunumpa
33 “Narinig(G) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(I) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Katuruan Laban sa Paghihiganti(J)
38 “Narinig(K) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[b] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Pagmamahal sa Kaaway(L)
43 “Narinig(M) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(N) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(O) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.