Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 21-22

Ang Batas sa mga Alipin(A)

21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. Kapag(B) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.

“Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.

Mga Batas tungkol sa mga Karahasan

12 “Sinumang(C) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(D) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.

15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

16 “Sinumang(E) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.

17 “Sinumang(F) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.

18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.

20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.

22 “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. 23 Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, 24 mata(G) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, 25 sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.

26 “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. 27 Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.

Ang Pananagutan ng May-ari

28 “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. 29 Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. 30 Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. 31 Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. 32 Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay.

33 “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, 34 ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. 35 Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. 36 Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na.

Batas tungkol sa Ninakaw

22 “Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa. 2-4 Kailangan siyang magbayad. Kung walang ibabayad, siya ang ipagbibili at ang pinagbilhan ang ibabayad sa kanyang ninakaw. Kung ang ninakaw naman ay makita sa kanya at buháy pa, doble lamang ang ibabayad niya.

“Kapag ang magnanakaw ay pumasok nang gabi at siya ay napatay ng may-ari ng bahay, walang pananagutan ang nakapatay. Kung ang pagkapatay ay naganap pagkasikat ng araw, mananagot ang nakapatay.

“Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin.

“Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga.

“Kapag ang salapi o anumang ari-arian ng isang tao'y ipinagkatiwala sa kanyang kapwa at ang mga ito'y nawala sa bahay, pagbabayarin nang doble ang kumuha kapag ito'y mahuli. Kung hindi naman mahuli ang nagnakaw, ang pinagkatiwalaan ay panunumpain sa harapan ng Diyos[a] para patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng inihabilin sa kanya.

“Anumang usapin tungkol sa pang-aangkin ng nawawalang asno, baka, tupa, damit o anumang bagay, ay dadalhin sa harapan ng Diyos.[b] Ang mapatunayang nang-aangkin lamang ay magbabayad nang doble sa tunay na may-ari.

10 “Kung mamatay, mapinsala o inagaw ang isang asno, baka, tupa o anumang hayop na paalaga ngunit walang nakakita sa pangyayari, 11 ang nag-aalaga ay manunumpa sa harapan ni Yahweh upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pangyayari. Ito'y dapat paniwalaan ng may-ari at wala nang pananagutan ang tagapag-alaga. 12 Ngunit kung ninakaw ang hayop, magbabayad ang tagapag-alaga. 13 Kung ang hayop naman ay pinatay ng isang hayop na mabangis, ipapakita ng tagapag-alaga ang bahaging natira at wala siyang pananagutan.

14 “Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram. 15 Ngunit kung naroon ang may-ari, hindi ito babayaran, lalo na kung inupahan; ang upa ang magiging kabayaran.

Tuntunin tungkol sa Pananampalataya at Kabutihang-asal

16 “Kapag(H) ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay inakit at sinipingan ng isang lalaki, siya ay pakakasalan ng lalaking iyon at bibigyan ng kaukulang dote. 17 Kung hindi pumayag ang ama na ipakasal ang babae, ibibigay na lang sa ama ang halagang katumbas ng dote.

18 “Ang(I) mga mangkukulam ay dapat patayin.

19 “Sinumang(J) makipagtalik sa hayop ay dapat patayin.

20 “Sinumang(K) maghandog sa diyus-diyosan ay dapat patayin sapagkat kay Yahweh lamang dapat maghandog.

21 “Huwag(L) ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto. 22 Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila. 23 Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila. 24 Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.

25 “Kapag(M) nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo. 26 Kapag(N) may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw 27 sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako'y mahabagin.

28 “Huwag(O) ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan.

29 “Huwag ninyong kalilimutang maghandog ng inaning butil, alak na mula sa katas ng ubas at langis sa takdang panahon.

“Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki. 30 Ihahandog din ninyo sa akin ang panganay ng inyong mga baka at tupa. Huwag ihihiwalay sa ina ang panganay nitong lalaki hanggang sa ikapitong araw mula sa kapanganakan; sa ikawalong araw, ihahandog siya sa akin.

31 “Kayo'y(P) aking bayang pinili. Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso.

Mateo 19

Katuruan tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(A)

19 Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit.

May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot(B) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At(C) siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Tinanong(D) siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?”

Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. Ito(E) ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya][a] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].”[b]

10 Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.”

11 Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. 12 Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.”

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(F)

13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.

Ang Binatang Mayaman(G)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(H) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(I) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

23 Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! 24 Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.”

25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”

27 Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?”

28 Sinabi(J) sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. 29 Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,][c] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit(K) maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.