Old/New Testament
11 “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako.
Ang mga Hari ng Egipto at Siria
2 “Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. 3 Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. 4 Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.
5 “Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. 6 Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.
7 “Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. 8 Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. 9 At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.
10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.
14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.
17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.
20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.
Ang Masamang Hari ng Siria
21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.
25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.
29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(A) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(B) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.
36 “Gagawin(C) ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. 37 Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. 38 Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. 39 Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala.
40 “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. 41 Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. 42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. 43 Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia[a] ay masasakop niya. 44 Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. 45 Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya.
Pahayag tungkol sa Huling Panahon
12 “Sa(D) panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. 2 Muling(E) mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. 3 Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. 4 Daniel,(F) ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.”
5 Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. 6 Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?”
7 Itinaas(G) ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.”
8 Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?”
9 Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. 10 Marami(H) ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. 11 Lilipas(I) ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. 12 Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. 13 Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.”
1 Mula(A) kay Judas, lingkod[a] ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago—
Para sa mga tinawag ng Diyos, mga namumuhay sa pag-ibig ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesu-Cristo.
2 Sumagana nawa sa inyo ang habag, kapayapaan at pag-ibig.
Ang mga Huwad na Guro
3 Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman[b] sa mga banal, 4 sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.
5 Kahit(B) na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon[c] ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nanalig sa kanya. 6 Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. 7 Alalahanin(C) din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat.
8 Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang[d] kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang maykapangyarihan at nilalait ang mariringal na anghel. 9 Kahit(D) si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay, “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” 10 Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang hindi nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. 11 Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya.
12 Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit hindi nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. 13 Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman.
14 Tungkol(E) din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel 15 upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” 16 Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, sumusunod sa kanilang mga pagnanasa, mayayabang, at sanay mambola para makuha ang gusto nila.
Mga Babala at mga Payo
17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon(F) pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.
20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.
22 Kaawaan[e] ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Bendisyon
24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.