Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Ezekiel 45-46

Tuntunin tungkol sa Partihan ng Lupain

45 Sa paghahati ninyo ng lupain, magbubukod kayo ng isang bahagi para kay Yahweh. Ito ang sukat ng inyong ibubukod: 12.5 kilometro ang haba, at 10 kilometro naman ang luwang. Susukat kayo rito ng 250 metro parisukat para tayuan ng templo at ang paligid ay lalagyan ng patyong dalawampu't limang metro ang luwang. Para sa Dakong Kabanal-banalan, susukat kayo ng 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. Ito ang pinakatanging lugar ng lupain at siyang mauukol sa mga paring maglilingkod sa templo, sa harapan ni Yahweh; ito ang magiging tirahan nila at tayuan ng templo. Isa pang lote na 12.5 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para naman sa mga paring maglilingkod sa kabuuan ng templo.

Karatig ng bahaging itinalaga para sa akin, mag-iiwan kayo ng isang lote na 12.5 kilometro ang haba at 2.5 kilometro naman ang luwang. Ito ay para sa lahat ng Israelita.

Ang Lupain Ukol sa Pinuno ng Israel

Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi. Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel.

Ang mga Tuntunin para sa Pinuno

Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan.

10 “Ang(A) inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat. 11 Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan;[a] ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat. 12 Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo.

13 “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada, 14 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.) 15 Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh. 16 “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel. 17 Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”

Mga Kapistahan(B)

18 Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo. 19 Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob. 20 Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo.

21 “Sa(C) ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan. 23 Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan. 24 Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis.

25 “Ganito(D) rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.”

Ang Pinuno at ang mga Pista

46 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas.

“Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. 10 Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo.

11 “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. 12 Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.

Ang mga Handog Araw-araw

13 “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. 14 Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. 15 Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”

Ang Pinuno at ang Lupain

16 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. 17 Ngunit(E) kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. 18 Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”

Ang Lutuan ng mga Handog

19 Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”

21 Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; 22 maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. 23 Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. 24 Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.”

1 Juan 2

Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol

Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid. Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.

Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos.[a] Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.

Ang Bagong Utos

Mga(A) minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.

Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba.[b] 11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.

12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan. 13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.

14 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat kilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at napagtagumpayan na ninyo ang Masama.

15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. 16 Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa buhay na ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17 Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng mga bagay na pinagnanasaan ng mga tao, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.

Ang Kaaway ni Cristo

18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.

20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon. 29 Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.