Old/New Testament
Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto
3 Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2 Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. 3 Nang nasa harap na sila ng rebulto, 4 malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, 5 na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. 6 Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” 7 Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar.
Pinaratangan ang Tatlong Judio
8 Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. 9 Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! 10 Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. 11 At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. 12 Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.”
13 Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. 14 Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? 15 Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?”
16 Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. 17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. 18 Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”
Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon
19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.
24 Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?”
“Opo, kamahalan,” sagot nila.
25 “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.”
Pinalaya at Itinaas sa Tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego
26 Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon 27 at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok.
28 Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. 29 Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.”
30 At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia.
Ang Ikalawang Panaginip ni Haring Nebucadnezar
4 Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad:
“Kapayapaan nawa ang sumainyo. 2 Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 “Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha
at kagila-gilalas ang mga himala!
Walang hanggan ang kanyang kaharian;
kapangyarihan niya'y magpakailanman.
4 “Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. 5 Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. 6 Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. 7 Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. 8 Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: 9 Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin.
10 “Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. 11 Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. 12 Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.
13 “Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. 14 Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. 15 Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. 16 Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. 17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’
18 “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.”
Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari
19 Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.”
Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. 20 Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, 21 may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, 22 ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. 23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. 24 Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. 25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. 26 Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 27 Kaya,(A) mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”
28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. 30 Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”
31 Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. 32 Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”
33 Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.
Patotoo ni Nebucadnezar
34 “Pagkatapos(B) ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.
Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,
ang paghahari niya'y magpakailanman.
35 Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;
ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.
Walang maaaring mag-utos sa kanya
ni makakatutol sa kanyang ginagawa.
36 “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.
37 “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”
Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan
5 Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. 2 Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, 3 sapagkat(A) ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, 4 sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos.
Ang Patotoo tungkol kay Jesu-Cristo
6 Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7-8 Tatlo ang nagpapatotoo [sa langit: ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo; at ang tatlong ito'y iisa. At mayroong tatlong nagpapatotoo sa lupa:][a] ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoong ito sa kanilang puso. Ang sinumang hindi sumampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniwala sa patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At(B) ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. 12 Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19 Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.