Old/New Testament
Panawagan na Manumbalik sa Diyos
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. 2 Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. 3 Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. 4 Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. 5 Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? 6 Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’”
Ang Pangitain tungkol sa mga Kabayo
7 Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, 8 “Kagabi,(B) nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. 9 Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.”
Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. 10 Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.”
11 Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.”
12 Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.”
13 May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. 14 Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. 15 At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. 16 Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. 17 Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.”
Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at sa Panday
18 Ako'y tumingin at may nakita akong apat na sungay. 19 Tinanong ko ang anghel na kausap ko, “Ano ang kahulugan nito?”
Ang sagot niya sa akin, “Iyan ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem.”
20 Pagkatapos, apat na panday ang ipinakita ni Yahweh sa akin. 21 Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Ang Juda ay lubusang winasak ng mga sungay na nakita mo, anupa't walang makalaban sa kanila. Ipinadala ko ang mga panday na ito upang siyang humarap sa apat na sungay; babaliin nila ang lahat ng sungay na ginamit laban sa Juda.”
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”
“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.
3 Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. 4 Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. 5 Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”
Tinawagan ang mga Dinalang-bihag
6 “Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. 7 Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”
8 Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. 9 Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”
10 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”
11 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 12 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.
13 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain tungkol kay Josue
3 Ipinakita(C) sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. 2 Sinabi(D) ng anghel ni Yahweh kay Satanas,[a] “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.”
3 Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. 4 Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.”
5 Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh.
6 Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. 7 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. 8 Makinig(E) ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. 9 At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. 10 Sa(F) araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.”
Ang Ilawan at ang Puno ng Olibo
4 Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog. 2 Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa. 3 Sa(G) magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya. 4 Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?”
5 “Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin.
“Hindi po,” ang sagot ko.
Ang Pangako ng Diyos kay Zerubabel
6 Sinabi(H) sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu.[b] 7 Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’”
8 Sinabi muli sa akin ni Yahweh, 9 “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo. 10 Nag-aalala(I) sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.”
Ipinaliwanag ang Pangitain tungkol sa Ilawan
Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.”
11 Itinanong(J) (K) ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan? 12 Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?”
13 “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin.
“Hindi po,” sagot ko.
14 “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. 2 Sumigaw(A) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. 3 Sapagkat(B) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”
4 Narinig(C) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
upang hindi ka maparusahang kasama niya!
5 Sapagkat(D) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
6 Gawin(E) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
7 Kung(F) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
Hindi ako biyuda,
hindi ako magluluksa kailanman!’
8 Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”
9 Tatangis(G) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”
11 Dahil(H) sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala(I) nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. 14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” 15 Hindi(J) lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lungsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. 16 Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lungsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! 17 Sa(K) loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!”
Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nangangalakal sa dagat, 18 at(L)(M) tinangisan nila ang nasusunog na lungsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lungsod na iyon!” 19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”
20 Magalak(N) ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!
21 Pagkatapos,(O) isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi(P)(Q) na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.