Old/New Testament
Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.
2 Makinig kayo, matatandang pinuno,
pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
o sa panahon ng inyong mga ninuno?
3 Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.
4 Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
kinain ng sumunod ang natira ng una.
5 Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
Umiyak kayo, mga manginginom!
Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.
6 Sinalakay(A) ng makapal na balang ang ating lupain.
Sila'y mapangwasak at di mabilang;
parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
7 Sinira nila ang ating mga ubasan
at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
kaya't namuti pati mga sanga.
8 Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
9 Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10 Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
sapagkat nasalanta ang mga trigo,
natuyo ang mga ubas,
at nalanta ang mga punong olibo.
11 Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12 Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13 Magluksa kayo at tumangis,
mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14 Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
at ang lahat ng taga-Juda,
sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
at dumaing sa kanya.
15 Malapit(B) na ang araw ni Yahweh,
ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos.
16 Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim,
at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos?
17 Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa.
Walang laman ang mga kamalig,
at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol.
18 Umungal ang mga baka
sapagkat walang mapagpastulan sa kanila.
Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain.
19 O Yahweh, dumaraing ako sa iyo,
sapagkat natuyo ang mga pastulan,
at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo
sapagkat natuyo rin ang mga batis,
at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy.
Ang mga Balang na Babala sa Pagdating ng Araw ni Yahweh
2 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion
at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos.
Manginig kayong mga taga-Juda,
sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh.
2 Ito'y makulimlim at malungkot na araw,
madilim ang buong kapaligiran;
at lilitaw ang napakakapal na balang
tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan.
Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon,
at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon.
3 Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman.
Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating,
ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan;
wala silang itinira.
4 Parang(C) mga kabayo ang kanilang anyo,
waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo.
5 Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok,
ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe,
parang tuyong damo na sinusunog.
Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma.
6 Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat;
namumutla sa takot ang bawat isa.
7 Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma;
inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal.
Walang lingun-lingon silang sumusugod.
Walang lumilihis sa landas na tinatahak.
8 Lumulusot sila sa mga tanggulan
at walang makakapigil sa kanila.
9 Sinasalakay nila ang lunsod,
inaakyat ang mga pader;
pinapasok ang mga bahay,
lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw.
10 Sa(D) pagdaan nila'y nayayanig ang lupa;
at umuuga ang langit.
Nagdidilim ang araw at ang buwan,
at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag.
11 Parang(E) kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo.
Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya
ay marami at malalakas.
Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh!
Sino ang makakatagal dito?
Panawagan Upang Magsisi
12 “Gayunman,” sabi ni Yahweh,
“mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.
13 Magsisi kayo nang taos sa puso,
at hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
Siya'y mahabagin at mapagmahal,
hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
14 Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!
16 Tawagin ninyo ang mga tao
para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
17 Mga(F) pari, tumayo kayo
sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain
18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
at naawa siya sa kanyang bayan.
19 Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
upang kayo'y mabusog.
Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.
20 Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga;
itataboy ko ang iba sa disyerto.
At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan;
sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan.
Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay.
Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”
21 “Lupain, huwag kayong matakot;
kayo ay magsaya't lubos na magalak
dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.”
22 Mga hayop, huwag kayong matakot,
luntian na ang mga pastulan.
Namumunga na ang mga punongkahoy,
hitik na sa bunga ang igos at ang ubas.
23 “Magalak kayo, mga taga-Zion!
Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
at gayundin sa taglamig;
tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24 Mapupuno ng ani ang mga giikan;
aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.
Ang Araw ni Yahweh at ang Kanyang Espiritu
28 “Pagkatapos(G) nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu[a] sa lahat ng tao:
ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe.
Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki,
at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
29 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu
maging sa mga alipin, lalaki man o babae.
30 “Magpapakita ako ng mga kababalaghan
sa langit at sa lupa;
dugo, apoy at makapal na usok.
31 Ang(H) araw ay magdidilim,
at ang buwan ay pupulang parang dugo
bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh.
32 At(I) sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi,
may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion
at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.”
Hahatulan ni Yahweh ang mga Bansa
3 Sinabi ni Yahweh,
“Pagsapit ng araw na iyon,
pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem.
2 Titipunin ko ang lahat ng bansa
at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat.[b]
Doon ko sila hahatulan
ayon sa ginawa nila sa aking bayan.
Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita
at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3 Nagpalabunutan sila upang magpasya
kung kanino mapupunta ang mga bihag.
Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin
upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan.
4 “Ano(J) (K) ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! 5 Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo.[c] 6 Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. 7 Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh.
9 “Ipahayag mo ito sa mga bansa:
Humanda kayo sa isang digmaan.
Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma,
tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo!
10 Gawin(L) ninyong tabak ang inyong mga araro
at gawing sibat ang mga panggapas.
Pati ang mahihina ay kailangang makipaglaban.
11 Pumarito kayo agad,
lahat ng bansa sa paligid,
at magtipon kayo sa libis.”
O Yahweh, ipadala mo ang iyong mga hukbo.
12 “Kailangang humanda ang mga bansa
at magtungo sa Libis ng Jehoshafat.
Akong si Yahweh ay uupo roon
upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid.
13 Ubod(M) sila ng sama;
gapasin ninyo silang parang uhay
sa panahon ng anihan.
Durugin ninyo silang parang ubas sa pisaan
hanggang sa umagos ang katas.”
14 Libu-libo ang nasa Libis ng Jehoshafat,
hindi magtatagal at darating doon ang araw ni Yahweh.
15 Hindi na magliliwanag ang araw at ang buwan,
at hindi na rin kikislap ang mga bituin.
Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang Bayan
16 Dumadagundong(N) mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig;
nanginginig ang langit at lupa.
Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
17 “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos!
Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok.
Magiging banal na lunsod ang Jerusalem;
hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan.
18 Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan;
bakahan ang makikita sa bawat burol,
at sasagana sa tubig ang buong Juda!
Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis,
na didilig sa Libis ng Sitim.
19 “Magiging disyerto ang Egipto,
at magiging tigang ang lupain ng Edom,
sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda
at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
20-21 Ipaghihiganti ko[d] ang lahat ng nasawi;
paparusahan ko ang sinumang nagkasala.
Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman,
at ako ay mananatili sa Bundok ng Zion.”
Ang Kasulatan at ang Kordero
5 Nakita(A) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatang nakabalumbon, na may sulat sa loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. 2 At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa balumbon?” 3 Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa,[a] na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. 4 Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. 5 Ngunit(B) sinabi sa akin ng isa sa matatandang pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakabalumbon.”
6 Pagkatapos,(C) nakita ko sa pagitan ng matatandang pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong daigdig. 7 Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakabalumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. 8 Nang(D) ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 9 Inaawit(E) nila ang isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon
at magtanggal sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
10 Ginawa(F) mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa.”
11 Tumingin(G) akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa matatandang pinuno. 12 Umaawit sila nang malakas,
“Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
kaluwalhatian, papuri at paggalang!”
13 At narinig kong umaawit ang bawat nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,
“Sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!”
14 At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang matatandang pinuno at nagsisamba.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.