Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Jonas 1-4

Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh

Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh: “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.” Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.

Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko. Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.

Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”

Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?”

Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!”

11 Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?”

12 “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya.

13 Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. 14 Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.” 15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat. 16 Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya.

17 Sa(B) utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito.

Ang Panalangin ni Jonas

Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
    at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
    ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
    sa pusod ng karagatan.
    Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
    at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
    at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
Hinigop ako ng kalaliman,
    hanggang sa tuluyang lumubog;
    napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
    sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
    naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
    at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
    ay hindi naging tapat sa inyo.
Ngunit aawit ako ng pasasalamat
    at sa inyo'y maghahandog;
    tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”

10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.

Si Jonas sa Nineve

Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas, “Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. Siya'y(C) pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.

Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumabâ siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Nineve, “Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin.”

10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi.

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Diyos

Ngunit dahil dito, nalungkot si Jonas at siya'y nagalit sapagkat hindi niya nagustuhan ang pagpapatawad ng Diyos sa Nineve. Kaya't(D) siya'y nanalangin, “O Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Alam kong lagi kayong handang magpatawad. Mabuti(E) pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay.”

Sumagot si Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Jonas?” Pagkasabi nito, lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod. Pinatubo ng Diyos na si Yahweh sa may tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbibigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at ito'y natuyo. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakakapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa tindi ng init. Kaya sinabi niya, “Mabuti pang mamatay na ako.”

Sinabi sa kanya ng Diyos, “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”

Sumagot siya, “Opo, nagagalit po ako. Gusto ko nang mamatay.”

10 Sinabi ni Yahweh, “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iyan ay mamatay. 11 Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Nineve? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 taong hindi alam kung ano ang mabuti o ang masama, bukod pa sa maraming kawan!”

Pahayag 10

Ang Anghel at ang Maliit na Kasulatan

10 Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. May hawak siyang isang maliit na aklat na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!”

At(A) itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ng lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal! Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.”

Pagkatapos(B) ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang aklat na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko nga mula sa kamay ng anghel ang maliit na aklat at kinain ko ito. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.

11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga propesiya tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.