Old/New Testament
Ang Batis mula sa Templo
47 Bumalik(A) kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. 2 Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
3 Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng 500 metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. 4 Sumukat muli siya ng 500 metro at umabot ito hanggang tuhod. Sumukat siyang muli ng 500 metro at nang lumusong kami sa tubig, ito'y hanggang baywang. 5 Sumukat uli siya ng 500 metro ngunit iyon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. 6 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, tandaan mo ang lugar na ito.”
Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. 7 Nang ako'y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. 8 Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. 9 Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. 10 Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo. 11 Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin. 12 Sa(B) magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang mga Hangganan
13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose. 14 Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo.
15 “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad, 16 Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan. 17 Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco.
18 “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar.
19 “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo.
20 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo hanggang sa tapat ng pagpasok sa Hamat.
21 “Ito ang lupaing hahatiin mo sa mga lipi ng Israel. 22 Ito ang pinakamana mo at ng mga taga-ibang lugar na kasama ninyo at nagkaanak nang kasama ninyo. Sila'y ituturing na parang tunay na Israelita at kahati sa lupaing mamanahin ng Israel. 23 Ang mapupunta sa kanila ay magmumula sa bahagi ng liping kinabibilangan niya.”
Ang Paghahati ng Lupain
48 Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. 2 Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. 3 Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. 4 Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. 5 Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. 6 Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. 7 Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda.
Ang Gitnang Bahagi ng Lupain
8 Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo.
9 Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. 10 Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. 11 Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. 12 Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. 13 Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. 14 Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh.
15 Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. 16 Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. 17 Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. 18 Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. 19 Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. 20 Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat.
Ang Kaparte ng Pinuno
21 Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh 22 at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin.
Ang Kaparte ng Ibang Lipi
23 Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. 24 Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. 25 Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; 26 karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; 27 karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. 28 Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. 29 Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30 Ganito(C) naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— 31 ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. 32 Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. 33 Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi nina Simeon, Isacar at Zebulun. 34 Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. 35 Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’
Ang mga Anak ng Diyos
3 Tingnan(A) ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. 2 Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. 3 Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis.
4 Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. 5 Nalalaman(B) ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. 6 Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.
7 Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. 8 Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
9 Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.
Magmahalan Tayo
11 Ito(C) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(D) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(E) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.
Panatag na Kalooban at Pananatili sa Diyos
19 Dito nga natin matitiyak na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos 20 sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. 22 Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23 Ito(F) ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.