Old/New Testament
5 “Pakinggan ninyo ito, mga pari!
Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
2 Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
kaya't paparusahan ko kayong lahat.
3 Kilala ko si Efraim;
walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
at ang Israel naman ay naging marumi.”
Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan
4 Dahil sa kanilang mga ginawa,
hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
at hindi nila nakikilala si Yahweh.
5 Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
at kasama niyang matitisod ang Juda.
6 Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
lumayo na siya sa kanila.
7 Naging taksil sila kay Yahweh;
kaya't nagkaanak sila sa labas.
Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 “Hipan ang tambuli sa Gibea!
Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
9 Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.
10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
at bukbok sa sambahayan ni Juda.
13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
at walang makakapagligtas sa kanila.
15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”
Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel
6 “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
2 Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
3 Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”
Ang Tugon ni Yahweh
4 “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
gaya ng hamog na dagling napapawi.
5 Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking[a] hatol.
6 Sapagkat(A) wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.
7 “Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan,
nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
8 Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan,
tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
9 Nagkakaisa ang mga pari,
parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin.
Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem;
mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10 Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel.
Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.
11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.
7 Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
at nakikita ko ang lahat ng ito.”
Sabwatan sa Palasyo
3 “Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
4 Lahat sila'y mangangalunya;
para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
5 Nang dumating ang araw ng ating hari,
nalasing sa alak ang mga pinuno,
at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
6 Nag-aalab[b] na parang pugon ang kanilang mga puso;
pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
7 Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”
Ang Israel at ang mga Bansa
8 “Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
9 Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
mangmang at walang pang-unawa;
tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.
13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”
Hinatulan ni Yahweh ang Israel
8 Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta!
Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos,
sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan,
at nilabag nila ang aking kautusan.
2 Tumangis ngayon ang Israel sa akin,
‘Tulungan mo kami, sapagkat ikaw ang aming Diyos.’
3 Ngunit tinalikuran na ng Israel ang kabutihan;
kaya't hahabulin sila ng kanilang kaaway.
4 “Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot;
naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan.
Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto
na nagdala sa kanila sa kapahamakan.
5 Kinasusuklaman ko ang guyang sinasamba ng mga taga-Samaria.
Napopoot ako sa kanila.
Hanggang kailan pa sila mananatili sa karumihan?
6 Ang diyus-diyosang iyan ay mula sa Israel!
Ang guyang iyan ay ginawa ng tao, at iya'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.
7 “Naghahasik sila ng hangin,
at ipu-ipo ang kanilang aanihin.
Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay,
kaya't walang makukuhang harina.
At kung magbunga man iyon,
kakainin lamang ng mga dayuhan.
8 Nilalamon na ang Israel;
naroon na sila sa gitna ng mga bansa
bilang kasangkapang walang kabuluhan.
9 Sapagkat naparoon sila sa Asiria,
gaya ng asnong naggagalang mag-isa.
Ang Efraim nama'y umupa ng mga mangingibig.
10 Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa,
ngayo'y titipunin ko silang lahat.
Hindi magtatagal at sila'y daraing
dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno.
11 “Ang mga altar na ginawa sa Efraim,
ang siya ring nagparami ng inyong mga sala.
12 Sumulat man ako ng sampung libong kautusan,
ito'y pagtatawanan lang nila at tatanggihan.
13 Nag-aalay sila ng handog sa akin;
at ang karneng handog, kanila mang kainin,
hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin.
Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan,
at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto.
14 Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya,
at nagtayo siya ng mga palasyo.
Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader,
subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Efeso
2 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso:
“Ito ang sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. 2 Alam ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapagal at matiyagang pagtitiis. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao. Sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y apostol, at napatunayan mong sila'y huwad. 3 Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. 4 Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: iniwan mo na ang pag-ibig mo noong una. 5 Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. 6 Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita.
7 “Ang(A) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Sa magtatagumpay ay ibibigay ko ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy ng buhay na nasa Paraiso ng Diyos.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Esmirna
8 “Isulat(B) mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna:
“Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. 9 Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay.
11 “Ang(C) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Pergamo
12 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo:
“Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. 13 Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit(D) may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. 15 May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig.
17 “Ang(E) lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!
“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain[a]. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.”
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Tiatira
18 “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira:
“Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. 19 Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. 20 Ngunit(F) ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. 22 Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. 23 Papatayin(G) ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa.
24 “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, 25 ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. 26 Sa(H) magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. 27 Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. 28 Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga.
29 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.