Old/New Testament
4 Pakinggan ninyo ito, mga babae sa
Samaria na naglalakihang gaya ng mga baka ng Bashan,
na nang-aapi sa mahihina, nangingikil sa mahihirap,
at nag-uutos sa inyong mga asawa upang dalhan kayo ng inumin.
2 Ang Panginoong Yahweh ay banal, at kanyang ipinangako:
“Darating ang araw na kayo'y huhulihin ng pamingwit.
Bawat isa sa inyo'y matutulad sa isdang nabingwit.
3 Ilalabas kayo sa siwang ng pader
at kayo'y itatapon sa Harmon.”
Ang Pagmamatigas ng Israel
4 “Mga mamamayan ng Israel,” sabi ng Panginoong Yahweh,
“Pumunta kayo sa Bethel at doo'y gumawa ng kasalanan!
Pumunta rin kayo sa Gilgal at dagdagan pa ang inyong mga kasalanan!
Magdala kayo ng mga hayop na ihahandog tuwing umaga;
magdala kayo ng ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw.
5 Maghandog kayo ng tinapay bilang pasasalamat;
ipagyabang ninyo ang inyong mga kusang-loob na handog!
sapagkat ito ang gustung-gusto ninyong gawin.
6 “Ginutom(A) ko kayo sa bawat lunsod;
walang tinapay na makain sa bawat bayan,
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin.
7 Hindi ko rin pinapatak ang ulan
na kailangan ng inyong halaman.
Nagpaulan ako sa isang lunsod ngunit sa iba'y hindi.
Dinilig ko ang isang bukirin ngunit ang iba'y hinayaang matuyo.
8 Kaya't naghanap ang mga tao mula sa dalawa o tatlong lunsod
ng tubig sa karatig-lunsod ngunit di rin napatid ang kanilang uhaw.
Gayunman, hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
9 “Sinira ko ang inyong pananim,
sa pamamagitan ng mainit na hangin at amag.
Kinain ng mga balang ang inyong mga halaman, pati ang mga puno ng ubas, igos at olibo,
gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
10 “Pinadalhan ko kayo ng salot tulad ng aking ginawa sa Egipto.
Pinatay ko sa digmaan ang inyong kabinataan;
inagaw ko ang inyong mga kabayo.
Bumaho ang inyong mga kampo dahil sa mga nabubulok na bangkay; halos hindi kayo makahinga,
subalit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.
11 “Pinuksa(B) ko ang ilan sa inyong lunsod tulad ng Sodoma at Gomorra.
Kayo'y parang nagbabagang kahoy na inagaw sa apoy,
ngunit ayaw pa rin ninyong manumbalik sa akin,” sabi ni Yahweh.
12 “Mga taga-Israel, gagawin ko ito sa inyo,
kaya humanda kayong humarap sa inyong Diyos!”
13 Siya ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,
at ang nagpapahayag sa mga tao ng kanyang kaisipan.
Ginagawa niyang gabi ang araw;
siya ang naghahari sa buong sanlibutan.
Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang pangalan!
Panawagan Upang Magsisi
5 Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang panaghoy kong ito tungkol sa inyo:
2 Nabuwal ang Israel at di na makakabangon.
Nakahandusay siya at sa kanya'y walang tumutulong.
3 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod,
iisang daan ang makakabalik;
sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod,
ang makakabalik ay sampu na lamang.”
4 Ito pa ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Israel:
“Lumapit kayo sa akin at kayo'y mabubuhay;
5 huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong;
huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba,
sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag,
at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.”
6 Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay.
Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose,
susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito.
7 Kahabag-habag kayo na nagkakait ng katarungan
at yumuyurak sa karapatan ng mga tao!
8 Nilikha(C) ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion.
Itinatakda niya ang araw at ang gabi.
Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan,
upang muling ibuhos sa sangkalupaan;
Yahweh ang kanyang pangalan.
9 Winawasak niya ang mga kuta at dinudurog ang mga tanggulan.
10 Namumuhi kayo sa naninindigan sa katarungan,
at hinahamak ang nagsasabi ng katotohanan.
11 Ginigipit ninyo ang mahihirap
at hinuhuthot ang kanilang ani.
Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo,
ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan.
12 Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan,
at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan.
Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid,
at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
13 Naghahari ang kasamaan sa panahong ito;
kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang.
14 Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama,
upang ikaw ay mabuhay.
Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
tulad ng sinasabi mo.
15 Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti.
Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan,
baka sakaling kahabagan ni Yahweh
ang matitirang buháy sa lahi ni Jose.
16 Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon,
“Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis;
at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan.
Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati,
kasama ng mga bayarang taga-iyak.
17 May mga pagtangis sa bawat ubasan,
sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.”
18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!
Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?
Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!
O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,
ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;
araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi(D) ako sa inyong mga handaan,
hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.
25 “Sa(E) loob ng apatnapung taóng pamamalagi ninyo sa ilang, O Israel, nagdala ba kayo sa akin ng mga handog na sinusunog at ng mga handog ng pasasalamat? 26 Buhatin na ninyo ang rebulto ni Sakut na inyong hari at ni Kaiwan, ang diyos na bituin, ang mga imahen na inyong ginawa. 27 Dahil dito'y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Ang Pagkawasak ng Israel
6 Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion,
at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria,
kayo na kinikilala sa Israel,
ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan!
2 Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne;
puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat,
at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo.
Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel?
Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo?
3 Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan,
ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan.
4 Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing,
at nagpapahinga sa malalapad na himlayan,
habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya.
5 Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa;
tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika.
6 Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak,
at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan,
ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel!
7 Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag;
matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang.
8 Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
“Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel!
Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan.
Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.”
9 Kung sasampung lalaki ang natira sa isang pamilya, silang lahat ay mamamatay. 10 Kapag dumating ang kamag-anak ng mga namatay upang ilabas at sunugin ang mga bangkay, magtatanong siya sa sinumang nagtatago sa bahay kung mayroon pa siyang ibang kasama. Kung ang sagot ay, “Wala!” sasabihin nito, “Tumahimik ka!” Ingatan nating huwag mabanggit man lang ang pangalan ni Yahweh.
11 Kapag siya ang nag-utos,
magkakadurug-durog ang mga bahay,
malaki man o maliit.
12 Tumatakbo ba sa batuhan ang mga kabayo?
Naipang-aararo ba sa dagat ang mga baka?
Hindi nga, ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan
at pinalitaw na mali ang tama.
13 Tuwang-tuwa kayo nang masakop ninyo ang bayan ng Lo-debar.[a]
Sabi ninyo, “Tayo'y malakas at nakaya nating sakupin ang Karnaim.”[b]
14 Ngunit ito ang sagot ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat:
“Susuguin ko ang isang bansa laban sa inyo, mga taga-Israel.
Kayo'y pahihirapan buhat sa Pasong Hamat sa hilaga
hanggang sa Batis ng Araba sa timog.”
Ang 144,000 na Tinatakan sa Israel
7 Pagkatapos(A) nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. 2 At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, 3 “Huwag(B) muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. 5-8 Tig-labindalawang libo (12,000) mula sa bawat lipi ng Israel: Juda, Ruben, Gad, Asher, Neftali, Manases, Simeon, Levi, Isacar, Zebulun, Jose, at Benjamin.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo,(C) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(D) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.