Old/New Testament
Ang Pag-iral ng Kapayapaan sa Daigdig
4 Darating ang panahon,
na ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ay mamumukod sa kataasan sa lahat ng bundok.
Higit itong dadakilain kaysa lahat ng burol, at dudulog dito ang maraming bansa.
2 Daragsa ang maraming tao at sasabihin nila,
“Halikayo, tayo na sa bundok ni Yahweh,
sa templo ng Diyos ni Jacob,
upang malaman natin ang nais niyang gawin natin
at matuto tayong lumakad sa kanyang landas.
Sapagkat magmumula sa Zion ang katuruan,
at sa Jerusalem ang salita ni Yahweh.”
3 Siya(A) ang mamamagitan sa mga bansa,
at magpapairal ng katarungan sa lahat ng lahi.
Kaya't gagawin nilang talim ng araro ang kanilang mga tabak,
at karit naman ang kanilang mga sibat.
Mga bansa'y di na mag-aaway,
at sa pakikidigma'y di na magsasanay.
4 Sa(B) halip, bawat tao'y mamumuhay nang payapa
sa kanyang ubasan at mga puno ng igos.
Wala nang babagabag sa kanila,
sapagkat ito ang pangako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
5 Kahit na magpatuloy sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan ang lahat ng bansa, kami'y kay Yahweh na aming Diyos lamang sasamba magpakailanman.
Matutubos sa Pagkabihag ang Israel
6 Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong titipunin ko ang mga napilayan at ang mga binihag, gayundin ang aking mga pinarusahan. 7 Ang mga pilay na nalabi ay bibigyan ko ng bagong buhay, at ang mga itinapon ay gagawin kong isang malakas na bansa. Akong si Yahweh, ang maghahari sa kanila buhat sa Bundok ng Zion sa araw na iyon at magpakailanman.”
8 At tungkol naman sa iyo, burol ng Zion, kung saan binabantayan ng Diyos ang kanyang bayan gaya ng isang pastol, ikaw ay muling magiging sentro ng kaharian katulad noon. 9 Bakit ka dumaraing nang malakas? Wala na bang haring mangunguna sa iyo? Namatay na ba ang tagapayo mo, kaya't namimilipit ka sa sakit tulad ng isang babaing malapit nang manganak? 10 Mamilipit kayo't dumaing dahil sa matinding sakit, mga taga-Jerusalem, sapagkat aalis kayo sa lunsod at maninirahan sa kabukiran. Itatapon kayo sa Babilonia ngunit kukunin muli roon; ililigtas kayo ni Yahweh mula sa kamay ng inyong mga kaaway.
11 Maraming bansa ang nag-aabang upang salakayin ka. Sinabi nila, “Wasakin natin ang Zion. Panoorin natin ang kanyang pagkawasak.” 12 Ngunit hindi nila alam ang iniisip ni Yahweh, hindi nila nauunawaan ang kanyang layunin. Sila'y kanya lamang tinitipon upang parusahan, gaya ng ginapas na trigo, upang dalhin sa giikan. 13 Mga taga-Jerusalem, humanda kayo at parusahan ninyo ang inyong mga kaaway. Gagawin ko kayong kasinlakas ng isang toro na ang sungay ay bakal, at tanso naman ang mga paa. Dudurugin ninyo ang maraming bansa, ang mga kayamanang nasamsam ninyo ay ihahandog ninyo sa akin na Panginoon ng buong mundo.
5 Mga taga-Jerusalem, tipunin ninyo ang inyong mga hukbo sapagkat kinukubkob na tayo ng mga kaaway. Sinasalakay na nila ang pinuno ng Israel!
Ang Paghahari ng Tagapagpalaya
2 Sinabi(C) ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” 3 Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan. 4 Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon. 5 At sa kanya magmumula ang kapayapaan.
Ang Pagliligtas at ang Pagpaparusa
Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila. 6 Sa(D) pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria.
7 Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao. 8 At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa. 9 Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway.
10 “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “aalisan ko kayo ng mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. 11 Gigibain ko ang inyong mga lunsod at ibabagsak ang matitibay ninyong tanggulan. 12 Wawasakin ko ang inyong mga agimat at mawawala na rin ang mga manghuhula. 13 Wawasakin ko ang inyong mga diyus-diyosan at mga haliging itinuturing ninyong sagrado, at hindi na kayo sasamba sa ginawa ng inyong mga kamay. 14 Dudurugin ko rin ang inyong mga diyus-diyosang Ashera at iguguho ang inyong mga lunsod. 15 Ibabagsak ko sa inyo ang aking poot, at isasagawa ang aking paghihiganti sa mga bansang hindi sumunod sa akin.”
Ang Babae at ang Dragon
12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. 2 Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.
3 Isa(A) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. 4 Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. 5 Ang(C) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.
7 Pagkaraan(D) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. 8 Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. 9 Itinapon(E) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.
10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”
13 Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit(G) ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. 15 Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. 16 Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. 17 Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. 18 At ang dragon ay tumayo[a] sa dalampasigan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.