New Testament in a Year
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (B) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[a] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)
45 Agad pinasakay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna sa ibayo, sa Bethsaida, habang pinapauwi niya ang maraming tao. 46 Pagkatapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat habang si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita ni Jesus na nahihirapan ang kanyang mga alagad sa pagsagwan dahil pasalungat sila sa hangin. Nang malapit na ang madaling araw,[b] sumunod sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malapit na niyang malampasan ang mga ito, 49 nakita nilang lumalakad siya sa ibabaw ng lawa. Inakala nilang siya'y isang multo kaya't sila'y nagsigawan. 50 Takot na takot silang lahat, kaya't agad silang sinabihan ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” 51 Sumakay siya sa bangka at agad huminto ang hangin. Labis silang namangha, 52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang pangyayari tungkol sa tinapay. Sa halip, tumigas ang kanilang mga puso.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(D)
53 Nang makatawid na sila, dumating sila sa Genesaret at doon idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila mula sa bangka, nakilala agad si Jesus ng mga tao. 55 Kaya't nilibot ng mga tao ang buong lugar na iyon at sinundo ang mga maysakit. Dinala nila ang mga nakaratay sa higaan saanman nila mabalitaan na naroon si Jesus. 56 Saanmang nayon, bukid o bayan makarating si Jesus, dinadala ng mga tao ang kanilang maysakit sa mga pamilihan, at pinapakiusapan siya na ipahawak man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak nito ay gumaling.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.