New Testament in a Year
51 At (A) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[a] 55 At (B) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus(C)
57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.
Naglagay ng mga Bantay sa Libingan
62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (D) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[b] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.