Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 24:1-28

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.

“Pagkatapos (C) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (D) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.

Ang Matinding Paghihirap(E)

15 “Kaya, (F) kapag nakita ninyong nakatayo sa banal na dako ang kasuklam-suklam na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel,—unawain ng bumabasa—, 16 ang mga nasa Judea ay tumakas na at pumunta sa mga bundok. 17 Huwag nang bumaba ang (G) nasa ibabaw ng bahay upang kumuha ng anuman sa loob ng kanyang bahay. 18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. 19 Ngunit kay saklap para sa mga buntis at mga nagpapasuso ang mga araw na iyon! 20 Kaya't ipanalangin ninyo na ang pagtakas ninyo ay hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath. 21 Sapagkat (H) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding kapighatiang hindi pa nangyari mula sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na kailanman mangyayari pa. 22 At malibang paiikliin ang mga araw na iyon, ang lahat ng laman ay mapapahamak. Ngunit alang-alang sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon. 23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (I) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (J) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[a]

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.