Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 25:31-46

Ang Paghuhukom sa mga Bansa

31 “Pagdating (A) ng Anak ng Tao taglay ang kanyang kaluwalhatian, kasama ang lahat ng kanyang mga anghel, siya'y luluklok sa kanyang maluwalhating trono. 32 Sa kanyang harapan ay titipunin ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, ngunit ang mga kambing naman ay sa kaliwa. 34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo! mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang itatag ang daigdig. 35 Sapagkat ako'y nagutom at ako'y inyong pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom. Ako'y naging isang dayuhan, at ako'y inyong pinatuloy. 36 Ako'y naging hubad at ako'y inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’ 37 Pagkatapos ay itatanong sa kanya ng mga matuwid, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at ika'y pinakain, o kaya'y uhaw, at aming pinainom? 38 Kailan ka namin nakitang isang dayuhan at pinatuloy ka, o kaya'y hubad, at dinamitan ka? 39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nakabilanggo at dinalaw ka namin?’ 40 At sasagot sa kanila ang Hari ng ganito: ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ 41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Magsilayas kayo, mga sinumpa! Doon kayo sa walang hanggang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga anghel. 42 Sapagkat ako'y nagutom, at ako'y hindi ninyo pinakain. Ako'y nauhaw, at ako'y hindi ninyo pinainom. 43 Ako'y naging dayuhan, at ako'y hindi ninyo pinatuloy. Hubad, ngunit ako'y hindi ninyo dinamitan; maysakit at nakabilanggo, ngunit hindi ninyo dinalaw.’ 44 Pagkatapos ay magtatanong din sila, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang dayuhan, hubad, maysakit, o nasa bilangguan, at hindi kami naglingkod sa iyo?’ 45 At siya'y sasagot sa kanila ng ganito, ‘Tinitiyak ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakahamak na ito, ay hindi nga ninyo ito ginawa sa akin.’ 46 At (B) ang mga ito'y magsisialis patungo sa parusang walang hanggan, subalit ang mga matutuwid ay patungo sa buhay na walang hanggan.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.