New Testament in a Year
51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[a] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (A) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(B)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, ang Kataas-taasang Pari, sa pinagpupulungan ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. 58 Ngunit sinundan siya ni Pedro sa may kalayuan, hanggang sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. Pumasok siya at umupong kasama ng mga tanod upang tingnan kung ano ang kahihinatnan ng lahat. 59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (C)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (D) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (E) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Pagkatapos (F) ay kanilang dinuraan siya sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal din siya ng iba, 68 sabay ang pagsasabi, “Di ba't isa kang propeta, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(G)
69 Noon ay nakaupo si Pedro sa labas ng bakuran nang lapitan siya ng isang aliping babae, na nagsabi, “Kasama ka rin niyang si Jesus na taga-Galilea.” 70 Ngunit itinanggi niya ito sa harap nilang lahat. Sabi niya, “Wala akong alam sa sinasabi mo.” 71 Paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin na nagsabi sa ibang naroon, “Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus na taga-Nazareth.” 72 At muli niyang itinanggi ito na may kasama pang panunumpa, “Talagang hindi ko kilala ang taong iyon.” 73 Pagkaraan pa ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Sigurado kaming ikaw ay isa rin sa kanila. Halatang-halata naman sa iyong pananalita.” 74 Kaya't nagsimula siyang magsalita ng masama at sumumpang, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok. 75 Noon ay naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” At siya'y lumabas at buong kapaitang umiyak.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.