New Testament in a Year
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)
3 Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay. 2 Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[b] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” 4 Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. 5 Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. 6 Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. 8 Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. 9 Nagpahanda (B) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(C)
13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][d] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.