Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 24:29-51

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)

29 “At (B) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (C) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(D)

32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[a] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(E)

36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (F) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (G) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[b] darating ang inyong Panginoon. 43 (H) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.

Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(I)

45 “Sino nga ba ang mapagkakatiwalaan at matalinong alipin? Hindi ba't siya na pinagbilinan ng kanyang panginoon na mamahala sa kanyang sambahayan, upang mamahagi sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang alipin na sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siyang ganoon nga ang ginagawa. 47 Tinitiyak ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 48 Subalit kung masama ang aliping iyon at magsabi sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang aking panginoon,’ 49 magsisimula siyang manakit ng mga kapwa niya alipin. At makisalo at makipag-inuman pa sa mga lasenggo. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya akalain at sa oras na hindi niya nalalaman. 51 Siya'y pagpuputul-putulin ng kanyang panginoon at ilalagay sa lugar ng mga mapagpanggap, at doo'y magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.